Cointelegraph
Stephen Katte
Isinulat ni Stephen Katte,Manunulat ng Kawani
Felix Ng
Sinuri ni Felix Ng,Editor ng Kawani

White House: Pardon kay CZ, pinag-isipan nang may ‘pinakamataas na antas ng kaseryosohan’

Ayon kay White House press secretary Karoline Leavitt, dumaan sa isang “masusing proseso ng pagsusuri” ang pardon ni Donald Trump para sa founder ng Binance bago ito opisyal na nilagdaan ng pangulo.

White House: Pardon kay CZ, pinag-isipan nang may ‘pinakamataas na antas ng kaseryosohan’
Balita

Maingat na pinag-aralan ng White House ang pardon para sa founder ng Binance na si Changpeng Zhao at sumailalim ito sa mga standard na proseso bago ipinadala kay Pangulong Donald Trump para sa kaniyang pag-apruba, ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt.

Ipinagtanggol ni Trump ang nasabing pardon sa isang interview sa 60 Minutes ng CBS News. Sinabi niya na “wala siyang ideya” kung sino si Zhao at minaliit ang mga kritisismo sa kaniyang desisyon bilang mga biradang may bahid ng politika.

Sa isang briefing noong Nobyembre 4, nilinaw ni Leavitt na ang mga komento ni Trump tungkol kay Zhao sa nasabing interview ay nangangahulugang “hindi niya ito kilala nang personal” at ang pangulo ay “walang personal na relasyon sa indibidwal na ito.”

Dagdag pa niya, ang pardon ay pinag-isipan nang may “pinakamataas na antas ng kaseryosohan” at dumaan sa isang “masusing proseso ng pagsusuri” ng Department of Justice at ng White House Counsel’s Office.

“Mayroong isang buong koponan ng mga kwalipikadong abogado na sumusuri sa bawat kahilingan para sa pardon na kalaunan ay umaabot sa Pangulo ng Estados Unidos,” aniya.“ Siya ang may huling desisyon sa lahat ng ito.”

Hinarap ni Press Secretary Karoline Leavitt ang mga reporter tungkol sa pardon ni Zhao sa isang briefing noong Nobyembre 4. Source: YouTube

Ang pahayag na ito ay kasunod ng mga ulat na nagsasabing tumulong umano ang Binance sa crypto venture ng pamilyang Trump, ang World Liberty Financial, sa pagbuo ng stablecoin nito at paggamit nito sa isang $2 bilyong investment deal, bagay na itinanggi na ni Binance CEO Richard Teng.

Itinuwid ni Trump ang isang "maling desisyon," ayon kay Leavitt

Iginiit ni Leavitt na si Zhao ay naging biktima ng “labis na pag-uusig ng isang weaponized DOJ”, at ang administrasyong Biden ay humingi ng masyadong mabigat na parusa bilang resulta.

Matatandaang umamin si Zhao noong Nobyembre 2023 sa kasalanang hindi pagpapanatili ng epektibong Anti-Money Laundering program sa Binance, na isang paglabag sa Bank Secrecy Act.

Noong una, humiling ang mga US prosecutor ng tatlong taong pagkabilanggo, ngunit tinanggihan ito ng sentencing judge dahil sa pagiging “masyadong malupit”. Sa halip, pinatawan lamang siya ng apat na buwang pagkakulong, na sinimulang silbihan ni Zhao noong Abril 2024.

“Itinuwid lamang ng Pangulo ang maling iyon, at opisyal na niyang tinapos ang giyera ng administrasyong Biden laban sa industriya ng cryptocurrency. Sa tingin ko, iyan ang mensaheng ipinaparating niya sa pamamagitan ng pardon na ito,” ani Leavitt.

Ipinangatuwiran ng abogado ni Zhao na si Teresa Goody Guillén, at ng iba pa niyang mga tagasuporta, na masyadong mabigat ang naging sentensya lalo na’t ito ay iisang sakdal lamang ng pagkabigong magkaroon ng epektibong compliance program, at si Zhao naman ay isang non-violent first-time offender.

Tanong tungkol sa crypto, tinanggal sa broadcast ng 60 Minutes

Sa isang bahagi ng interview ni Trump sa 60 Minutes na hindi isinama sa broadcast, tinanong ni Norah O’Donnell ng CBS ang pangulo kung nababahala ba siya sa “itsura ng korapsyon” kaugnay ng pardon kay Zhao.

Kaugnay: Trump sa pardon ni CZ: Sabi sa akin ‘hindi man lang krimen ang ginawa niya’

“Hindi ko masasabi, dahil — hindi ko masasabi — hindi ako nababahala. Mas gusto ko na huwag mo na lang itanong ‘yan,” sagot ni Trump, ayon sa transcript ng interview.

Dagdag pa niya, ang US ang “number one sa crypto sa buong mundo” dahil siya ang presidente, at ayaw niyang “makuha ito ng China o ng kahit sino pa. Isa itong napakalaking industriya.”

Isang bahagi ng transcript na nagpapakita ng tanong na tinanggal sa broadcast. Source: CBS News

Sa YouTube video ng CBS para sa kanilang interview kay Trump, may tala na ito ay “condensed for clarity”.

Bago ang tinanggal na tanong, sinabi ni Trump na mas sangkot ang kaniyang mga anak na lalaki sa crypto kaysa sa kaniya, at “kaunti lang ang alam niya tungkol dito, maliban sa isang bagay: ito ay isang dambuhalang industriya.”

Ang Cointelegraph ay nakatuon sa independiyente at transparent na pamamahayag. Ang artikulong balita na ito ay ginawa alinsunod sa Patakarang Editoryal ng Cointelegraph at naglalayong magbigay ng tumpak at napapanahong impormasyon. Hinihikayat ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon nang mag-isa. Basahin ang aming Patakarang Editoryal https://ph.cointelegraph.com/editorial-policy