Cointelegraph
Adrian ZmudzinskiAdrian Zmudzinski

Mga senador na Democrat, humihingi ng paliwanag sa pag-pardon ni Trump kay CZ ng Binance

Pito sa mga senador na Democrat sa US ang nananawagan sa Attorney General at DOJ na magpaliwanag kaugnay ng ginawang pag-pardon ni Pangulong Trump sa co-founder ng Binance na si Changpeng Zhao, na tinawag nilang isang tiwaling hakbang.

Mga senador na Democrat, humihingi ng paliwanag sa pag-pardon ni Trump kay CZ ng Binance
Balita

Humiling ang mga senador mula sa Democratic Party kina US Attorney General Pam Bondi at sa US Department of Justice ng karagdagang impormasyon hinggil sa pag-pardon ni Pangulong Donald Trump sa co-founder ng Binance na si Changpeng “CZ” Zhao.

Sa isang bukas na liham noong Oktubre 28, sinabi ng pitong Demokratikong senador na ang naturang pardon ay "nagbibigay ng senyas sa mga cryptocurrency executive at iba pang white-collar criminal na maaari silang gumawa ng krimen nang hindi parurusahan." Inakusahan din ng mga mambabatas si Trump ng paghimok sa mga kriminal na aktibidad "basta't pinayayaman siya ng mga ito."

Ang liham na ito ay kasunod ng mga katulad na batikos mula kay US Representative Maxine Waters, ang nangungunang Democrat sa House Financial Services Committee. Ayon kay Waters, “si Trump ay gumagawa ng malalaking pabor para sa mga crypto criminal na tumulong maglaman sa kanyang bulsa.”

Kabilang sa mga lumagda sa liham sina Senator Elizabeth Warren, Chris Van Hollen, Bernard Sanders, Mazie Hirono, Richard Blumenthal, Jack Reed, at Jeffrey Merkley. Anila, “ang pardon na ito ay lalong magpapahirap sa Federal law enforcement na labanan at pigilan ang mga krimen.”

Si Changpeng Zhao. Source: Wikimedia

Iginiit ng mga senador ang koneksyon sa pagitan nina Trump at Binance

Sa kanilang liham, binigyang-diin ng mga senador ang ilang hinihinalang ugnayan sa pagitan nina Zhao, Trump, at ng Binance. Inilunsad ng pamilyang Trump ang kanilang decentralized finance (DeFi) platform na World Liberty Financial (WLFI) noong nakaraang taon, na iniuugnay sa mga operasyon ng Binance.

Matapos ang launch, lumabas ang mga akusasyon na si Zhao ang tumulong sa mga pagpapakilala at pag-aayos ng mga meeting para sa mga lider ng WLF, bagay na itinanggi ni CZ noong huling bahagi ng Mayo. May mga ulat din na nagpapahiwatig na may papel ang Binance sa pagbuo ng "code" sa likod ng USD1, ang stablecoin na inisyu ng WLFI.

“Matapos magbigay ang kompanya ni Mr. Zhao ng source ng kita na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar kay Pangulong Trump at sa kanyang pamilya, pinardon siya ni Pangulong Trump sa mga kriminal na aktibidad na inamin naman niyang ginawa niya.“

Lumabas din sa mga ulat nitong simula ng buwan na ang pag-pardon kay Zhao ay kasunod ng matinding lobbying ng Binance, kabilang ang pagbabayad ng $450,000 sa mga lobbyist na konektado kay Trump, at $290,000 kay Teresa Goody Guillén, isang abogado ni CZ at dating kandidato bilang chair ng Securities and Exchange Commission.

Epekto sa pagpapatupad ng batas, kinuwestiyon ng mga mambabatas

Ikinatwiran ng mga senador na ang pag-pardon ni Trump ay maaaring “hayagan at tahasang magpahina sa trabaho ng mga federal law enforcement” at magbigay ng mensahe sa “mga cryptocurrency executive at iba pang white-collar corporate criminal na walang halaga ang batas.”

Hiniling nila sa Department of Justice at kay Bondi na ipaliwanag ang magiging epekto ng pardon sa mga indibidwal at kompanyang nasasangkot sa krimen, lalo na sa industriya ng crypto. Humingi rin sila ng linaw kung ang hinihinalang pinansyal na ugnayan ni Trump kay CZ ang naging basehan ng kanyang desisyon sa pag-pardon.

Pinardon ni Trump si CZ at sinabing may mga nagsabi sa kanya na “ang ginawa niya ay hindi naman talaga isang krimen.” Matatandaang nag-plead guilty si Zhao noong 2024 sa paglabag sa US Bank Secrecy Act dahil sa pagkabigo nitong magpatupad ng epektibong Anti-Money Laundering program sa Binance.