Cointelegraph
Ciaran Lyons
Isinulat ni Ciaran Lyons,Manunulat ng Kawani
Felix Ng
Sinuri ni Felix Ng,Editor ng Kawani

‘Bihirang mangyari’ ang crypto bottom kapag lahat ay nagsasabing narito na ito: Santiment

Nagbabala ang crypto sentiment platform na Santiment na kapag marami na ang nagsasabing narating na ng market ang bottom, mas makabubuting manatiling mapagmatyag.

‘Bihirang mangyari’ ang crypto bottom kapag lahat ay nagsasabing narito na ito: Santiment
Balita

Ayon sa crypto sentiment platform na Santiment, malabong mabuo ang pinakamababang presyo sa mga sandaling marami nang analyst at trader ang nagsasabing narito na ito.

“Mag-ingat kapag nakakakita kayo ng malawak na kasunduan tungkol sa isang partikular na price bottom,” ayon sa Santiment sa ulat nito noong Nobyembre 15. Idinagdag pa nila na “ang mga tunay na bottom ay madalas nabubuo kapag ang nakararami ay umaasang babagsak pa lalo ang mga presyo.”

Ayon sa Santiment, muling naging mainit na paksa ito sa social media matapos sandaling bumaba ang Bitcoin (BTC) sa $95,000 sa gitna ng malawakang pagbaba ng mga technology stock. “Ipinapakita nito na maraming trader ang naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto,” sabi ng Santiment, habang iginigiit na sa kasaysayan, ang ganitong sentimyento ay madalas sinusundan ng mas malalim pang pagbaba.

Madalas magpahayag ang mga kalahok sa crypto market na narating na ang bottom kapag nalampasan na ang mga psychological price level, gaya ng pagbaba ng Bitcoin sa ibaba ng $100,000.

Sentimyento sa Bitcoin bumagsak; positibong komento, nasa one-month low

Sa kabila ng mga hula sa market bottom, ang mga kilalang personalidad gaya ng co-founder ng BitMEX na si Arthur Hayes at chair ng BitMine na si Tom Lee ay muling nanindigan sa kanilang mga forecast na maaaring umakyat pa ang Bitcoin sa $200,000 o higit pa bago matapos ang taon.

Cryptocurrencies
Ayon sa Santiment, ang sentimyento sa social media ay naging “lubos na negatibo.” Source: Santiment

Binigyang-diin din ng Santiment na ang paghahambing ng mga positibo sa negatibong komento tungkol sa Bitcoin ay nasa pinakamababang antas nito sa loob ng mahigit isang buwan.

“Habang bumababa ang presyo ng Bitcoin, ang social dominance nito ay pumalo sa mahigit 40%, na nagpapakitang ito ang pangunahing paksa sa isang usapang puno ng takot,” anang Santiment.

Cryptocurrencies
Source: Moustache

Idinagdag ng sentiment platform na isinisisi ng maraming trader ang kamakailang pagbagsak ng presyo ng Bitcoin sa maling balita na nagbenta raw ng Bitcoin ang chairman ng Strategy na si Michael Saylor. Kasabay nito, biglang dumami ang mga pagbanggit sa pangalang “Saylor” sa social media habang bumubulusok ang Bitcoin.

Ang outflow sa spot Bitcoin ETF, maaari nga bang maging bullish?

Sa isang panayam sa CNBC noong Nobyemre 14, pinabulaanan ni Saylor ang mga ulat na nagdidispatsa ang kompanya ng kanilang Bitcoin sa gitna ng biglaang pagbagsak ng presyo ng asset.

Samantala, sinabi ng Santiment na ang malalaking paglabas ng pondo mula sa mga spot Bitcoin ETF nitong mga nakaraang araw ay maaaring maging positibong senyales para sa presyo ng Bitcoin.

“Ang malalaking ETF inflows ay madalas na nagiging hudyat ng pansamantalang pag-abot sa rurok ng presyo, habang ang malalaking outflow naman ay sumasabay sa mga market bottom, na nagpapahiwatig ng takot ng mga indibidwal na investor,” ayon sa Santiment.

Sa nakalipas na tatlong araw ng trading, ang mga spot Bitcoin ETF sa US ay nakitaan ng $1.17 bilyon na outflows, base sa datos ng Farside.

Noong Huwebes, nagkaroon ng $866 milyon na net outflows ang mga spot Bitcoin ETF, na itinuturing na ikalawang pinakamalalang araw sa kasaysayan nito matapos ang $1.14 bilyong daily outflows noong Pebrero 25.