Nagbabala si Pavel Durov, ang founder at CEO ng messaging app na Telegram, na papalapit na ang isang “madilim at dystopian na mundo,” kung saan binabawi ng mga gobyerno sa buong mundo ang mga proteksiyon sa privacy.
“Magiging 41 na ako, ngunit hindi ko gustong magdiwang. Nauubusan na ng oras ang ating henerasyon upang iligtas ang malayang internet na binuo para sa atin ng ating mga ama,” sabi ni Durov sa isang post sa X noong Oktubre 9.
“Ang mga bansang dating malaya ay nagpapakilala ng mga dystopian na panukala,” sabi ni Durov, tinutukoy ang Chat Control proposal ng European Union, mga digital ID sa UK, at mga bagong patakaran na nangangailangan ng online age checks para mag-akses ng social media sa Australia.
“Ang dating pangako ng malayang pagpapalitan ng impormasyon ay ginagawa na ngayong panghuling kasangkapan ng kontrol.”
“Inuusig ng Germany ang sinumang naglakas-loob na pumuna sa mga opisyal sa Internet. Libu-libo ang ikinukulong ng UK dahil sa kanilang mga tweet. May criminal investigation ang France laban sa mga tech leader na nagtatanggol sa kalayaan at privacy.”
“Mabilis na papalapit ang isang madilim at dystopian na mundo — habang tulog tayo. Nanganganib ang ating henerasyon na mapabilang sa kasaysayan bilang ang huling nagkaroon ng mga kalayaan — at hinayaan itong bawiin,” dagdag pa ni Pavel.
Ang mga proteksiyon sa privacy ay isang cornerstone ng Bitcoin at ng mas malawak na industriya ng cryptocurrency. Ang Bitcoin ay nilikha upang gumana nang pseudonymously, gamit ang mga address sa halip na pangalan, at pinapayagan ang mga peer-to-peer na transaksyon nang walang pakikilahok ng mga bangko, bukod pa sa ibang panukala.
Posibleng na-block ng Germany ang chat control ng EU
Nakahanay nang bumoto ang mga mambabatas ng EU sa Chat Control law sa susunod na linggo, na inaangkin ng mga kritiko na nagpapahina sa encrypted messaging at karapatan ng mga tao sa privacy dahil hinihingi nito sa mga serbisyo tulad ng Telegram, WhatsApp, at Signal na payagan ang mga regulator na i-screen ang mga mensahe bago ang mga ito ay i-encrypt at ipadala.
Gayunpaman, binigyan ng matinding dagok ang batas na ito, nang lumabas ang pinuno ng pinakamalaking partido pampulitika ng Germany na tumututol dito. Ang Germany, na mayroong 97 seats sa European Parliament, ay inaasahang magkakaroon ng huling pasya kung ito ay papasa.
Sinabi ni Meredith Whittaker, ang president ng messaging app na Signal, na kahit lunas ang pagtutol ng Germany sa panukala, nagbabala siya na “hindi pa tapos ang labanan,” dahil ito ngayon ay lilipat na sa “European Council, kung saan ang isyu ay hindi pa nalulutas.”
Nagbabala rin siya na anumang karagdagang pagtatangka na magpasa ng mga katulad na panukala na nagpapahintulot sa scanning ng content ay dapat tutulan dahil binabale-wala nito ang encryption at lumilikha din ng “mapanganib na backdoor.”
“Malinaw ang technical consensus: hindi ka makakagawa ng backdoor na nagpapapasok lamang sa mga ‘mabubuting tao.’ Kahit ano pa ang balatkayo nito, ang mga panukalang ito ay lumilikha ng mga cybersecurity loophole na sabik na hinihintay na ma-exploit ng mga hacker at mga bansang kalaban.”
Digital ID ng UK, nagdulot din ng mga pag-aalala
Ipinahayag ni UK Prime Minister Keir Starmer ang isang digital ID scheme noong Setyembre, na mangangailangan sa mga mamamayan na patunayan ang kanilang karapatang manirahan at magtrabaho sa bansa.
Ipinipilit ng gobyerno ang panukala bilang isang paraan upang labanan ang mga illegal worker, habang pinaiikli rin ang oras ng paghihintay para i-verify ang mga identity at magkaroon ng akses sa mga serbisyo ng gobyerno, tulad ng mga lisensya, childcare, welfare, at tax.
Iginigiit ng mga kritiko na ang scheme ay nagdudulot ng mga alalahanin sa privacy dahil hihilingin sa mga indibidwal na magbigay ng personal na impormasyon na ilalagay sa isang government app, at magiging napakadali para sa gobyerno na gamitin ito sa maling paraan.
Kaugnay: Pavel Durov: Lifestyle ko, mula sa Bitcoin, hindi sa Telegram
Mahigit 2.8 milyong tao na ang lumagda sa isang petisyon na tumututol sa pagpapakilala ng isang digital ID. Ang mga petisyong nakakakuha ng higit sa 100,000 na lagda ay kailangang ikonsidera para sa debate sa Parliament.
Ang online age verification system ng Australia, nagdudulot din ng isyu sa privacy
Reresahan ng Australia ang akses sa mga social media platform para sa mga gumagamit na wala pang 16 taong gulang simula Disyembre 10, at isa sa mga panukalang inilabas upang ipatupad ang pagbabawal ay ang online digital age verification system.
Iginigiit ng mga mambabatas sa bansa na poprotektahan ng scheme ang mga menor de edad mula sa mapaminsalang content online. Gayunpaman, pareho ang mga alalahanin ng mga kritiko tungkol sa privacy sa sistema ng UK, lalo na, maaari itong humantong sa maling paggamit ng gobyerno at lumikha ng mga isyu sa privacy tungkol sa pag-iimbak ng data.