Iniulat na inalis na ng mga awtoridad sa France ang travel ban laban sa CEO ng Telegram na si Pavel Durov sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa messaging platform.
Inutusan si Durov na manatili sa France kasunod ng kanyang pag-aresto sa Paris noong Agosto ng nakaraang taon, kung saan naharap siya sa patung-patong na reklamong may kaugnayan sa kanyang pagpapatakbo ng Telegram.
Dati nang binigyan si Durov ng mga pansamantalay na exemption, at ngayon ay tuluyan nang tinanggal ng mga awtoridad sa France ang mga restriksyon sa kanyang pagbiyahe, ayon sa ulat ng Bloomberg noong Nobyembre 13.
Bilang bahagi ng pinakabagong desisyon, inalis na rin ng mga opisyal ang requirement para kay Durov na regular na mag-report sa lokal na istasyon ng pulisya, ayon sa ulat na sumipi sa isang taong pamilyar sa usapin.
Nananatiling bukas ang imbestigasyon
Walang binanggit na detalye ang ulat tungkol sa imbestigasyon ng France sa Telegram, na nagpapahiwatig na aktibo pa rin ang kaso.
Ayon sa pahayag ng Prosecutor’s Office ng France tungkol sa mga preliminary charge, inakusahan si Durov noong nakaraang taon ng pagpapadali sa isang platform na nagbibigay-daan sa mga ilegal na transaksyon. Sinabi ng mga prosecutor na ang CEO ng Telegram ay maaaring maharap sa hanggang 10 taong pagkabilanggo, bukod pa sa multa na $550,000.
Paulit-ulit na itinanggi ng Telegram at ni Durov ang mga akusasyon, at binigyang-diin ang pagsunod ng messenger sa mga pamantayan ng industriya at sa mga batas ng European Union.
Habang itinatanggi ang mga paratang, patuloy namang binabatikos ni Durov ang gobyerno ng France, kabilang si French President Emmanuel Macron, hinggil sa inilalarawan ni Durov na politikal na direksyon ng bansa tungo sa censorship.
“Hindi tama ang mga pinipiling desisyon ni Emmanuel Macron. Labis akong nadidismaya. Lalong nagiging mahina ang France,” ani Durov sa isang panayam sa French outlet na Le Point noong Hunyo.
Noong Oktubre, nagbabala si Durov tungkol sa mga posibleng kahihinatnan ng Chat Control proposal ng EU, at hinimok ang mundo na labanan ang mga “dystopian” na hakbang na iminumungkahi ng union.
“Inuusig ng Germany ang sinumang mangahas na bumatikos sa mga opisyal sa Internet. Ipinapakulong ng UK ang libu-libo dahil sa kanilang mga tweet. Ang France naman ay nagsasagawa ng kriminal na imbestigasyon sa mga tech leader na nagtatanggol sa kalayaan at privacy,” isinulat ni Durov sa isang post sa X noong Oktubre 9.
