Cointelegraph
Brian QuarmbyBrian Quarmby

’Sunk-cost-maxxing,’ unti-unting pumapatay sa pangmatagalang pag-unlad ng crypto

Dahil sa bumibilis na product cycles at walang katapusang pag-pivot, wala nang sinuman sa crypto ang nananatili nang matagal sa isang proyekto para malaman kung talaga itong epektibo, ayon kay Rosie Sargsian ng Ten Protocol.

’Sunk-cost-maxxing,’ unti-unting pumapatay sa pangmatagalang pag-unlad ng crypto
Balita

Karamihan sa mga crypto project ay mahihirapang bumuo ng anumang bagay na pangmatagalan dahil napipilitan silang patuloy na humabol sa mga bagong narrative para lang makaakit ng mga investor, ayon sa head of growth ng Ten Protocol na si Rosie Sargsian.

Sa isang artikulong ipinost sa X noong Nobyembre 1 na may pamagat na “Bakit Hindi Makabuo ang Crypto ng Kahit Anong Pangmatagalan,” ipinahiwatig ni Sargsian na maraming crypto founder ang may mga paper hand, mabilis magpalit ng direksyon sa unang sulyap pa lang ng problema.

“Payo sa tradisyonal na negosyo: huwag mahulog sa sunk cost fallacy. Kung ang isang bagay ay hindi gumagana, mag-pivot. Kinuha iyon ng crypto at ginawa itong sunk-cost-maxxing,” isinulat niya, at idinagdag pa:

“Ngayon, wala nang nananatili sa anumang proyekto nang sapat na tagal para malaman kung ito ay epektibo. Unang senyales pa lang ng paghihirap: pivot. Mabagal na pagdami ng user: pivot. Nahihirapan sa fundraising: pivot.”
Source: Rosie Sargsian

Ang 18-month product cycle ng crypto

Ayon kay Sargsian, mayroon na ngayong 18-month product cycle sa crypto, kung saan may uusbong na bagong narrative, dadaloy ang pondo at kapital, at lahat ay magpi-pivot sa gitna ng hype.

Nabubuo ito sa loob ng anim hanggang siyam na buwan, hanggang sa bandang huli ay mawawala ang interes, at maghahanap na naman ang mga founder ng susunod na ipi-pivot.

“Ang cycle na ito ay dati-rati’y umaabot ng 3-4 na taon (noong panahon ng ICO). Pagkatapos ay naging 2 taon. Ngayon,18 buwan na lang kung maswerte ka. Bumagsak ang crypto venture funding ng halos 60% sa loob lang ng isang quarter (Q2 2025), kaya lalong sumisikip ang oras at nauubos ang pera ng mga founder para makapag-build bago sila pilitin ng susunod na trend na mag-pivot uli,” ani Sargsian.

Hindi naman direktang sinisisi ni Sargsian ang mga founder ng crypto project, dahil kinikilala niyang nilalaro lang nila nag tama ang laro ngunit ang mismong “game” o sistema na ang halos nagpapabigo sa mga proyekto na ituloy ang kanilang mga ideya sa pangmatagalan.

“Ang problema ay wala kang mabubuong makabuluhan sa loob lang ng 18 na buwan. Ang tunay na infrastructure ay inaabot ng hindi bababa sa 3-5 taon. Ang tunay na product-market fit ay nangangailangan ng paulit-ulit na pagsasaayos sa loob ng maraming taon, hindi quarters,” ani Sargsian, at idinagdag pa:

“Pero kung nagtatrabaho ka pa rin sa narrative ng nakaraang taon, ituturing kang ‘dead money.’ Igo-ghost ka ng mga investor. Iiwan ka ng mga user. Pinipilit ka pa ng ilang investor na humabol sa kasalukuyang trend. At ang team mo naman, magsisimula nang mag-apply sa kung anumang proyekto ang kakakuha lang ng pondo gamit ang mainit na narrative ngayong quarter.”

Mga hadlang sa pag-iisip nang pangmatagalan

Ang isa sa mga pangunahing isyu ay kung paano bibigyan ng motibasyon ng mga proyekto ang mga tao na gamitin ang kanilang platform at manatili rito sa pangmatagalan kapag lumipas na ang hype.

Ang hype sa mga sektor tulad ng NFT, halimbawa, ay karaniwang sumusunod sa mga boom-and-bust cycle.

Ang mga tool gaya ng token launch at mga airdropped reward para sa mga early adopter ay naging mahalaga sa pagkuha ng atensyon; gayunpaman, kung walang sapat na istruktura at pagpaplano, maaari itong magresulta sa pag-dump ng mga unang investor agad-agad matapos ilabas ang token at pag-iwan sa platform.

Bilang tugon sa post ni Sargsian, sinegundahan ni Sean Lippel, general partner sa venture capital firm na FinTech Collective, ang kaparehong saloobin, ngunit idinagdag niya na ang ilang founder o investor ay sadyang ayaw ng mga solusyong nagsusulong ng mas malawak at pangmatagalang pag-iisip.

Source: Sean Lippel

“Tiningnan ako na parang baliw ng isang grupo ng mga investor, operator, at mga DC influencer sa isang dinner kamakailan nang sabihin ko na sinusuportahan ko ang 5+ year vesting ng A16z sa mga token bilang bahagi ng bagong batas sa market structure,” ani Lippel. Idinagdag pa niya na, “Nakakabaliw kung gaano karaming founder na ang nakita kong yumaman pero wala namang naipatayong may katibayan sa crypto.”