Sa ginanap na Hong Kong FinTech Week 2025, hinulaan ng CEO ng Standard Chartered ang pagwawakas ng paggamit ng cash at ang tuluyang pag-digitize ng lahat ng anyo ng salapi.
Sa nasabing event, ipinahayag ni Standard Chartered Group CEO Bill Winters na kaisa ang kanilang bangko sa paniniwala ng pamunuan ng Hong Kong na darating ang panahon na ang lahat ng transaksyon ay dadaan na sa blockchain.
“Lahat ng transaksyon ay mase-settle na sa blockchain sa hinaharap, at ang lahat ng pera ay magiging digital na,” ani Winters. Inilarawan niya ang pagbabagong ito bilang isang kabuoang pagbabago sa sistema ng pananalapi.
Dagdag pa niya, bagaman malinaw ang bisyong ito, hindi pa matiyak kung paano eksaktong mababago ang sistema. Dahil dito, mahalaga ang patuloy na eksperimentasyon, isang larangan kung saan aniya ay nangunguna ang Hong Kong. Pinuri ni Winters ang mga regulator sa Hong Kong sa pagbalanse ng inobasyon at pagsunod sa mga patakaran, kung saan nabibigyang-lugar ang mga bagong ideya habang pinananatili ang mga safety safeguard.
“Naitatag na ng Hong Kong ang kanilang tungkulin bilang lider sa larangang ito,” sabi ni Winters. “Mayroon akong sapat na dahilan upang maniwala na patuloy itong gagampanan ang papel na iyon.”
Nagpahayag ang HSBC ng tiwala sa financial ecosystem ng Hong Kong
Bukod sa prediksyon ng Standard Chartered, binigyang-diin din ni HSBC Group CEO Georges Elhedery ang husay ng "talent ecosystem" ng Hong Kong sa gitna ng talakayan.
Binanggit ni Elhedery ang $13.6 bilyon na investment proposal ng bangko para i-privatize ang Hang Seng Bank bilang malinaw na patunay ng kanilang tiwala sa potensyal ng rehiyon.
“Ito ang nagbubuod kung gaano kalaki ang aming tiwala at paninindigan sa magandang kinabukasan ng financial at technology innovation sa Hong Kong,” ani Elhedery.
Dagdag pa niya, bukod sa mga imprastruktura sa pagbabangko, namumuhunan din ang HSBC sa edukasyon at pananaliksik.
Ibinahagi niya ang kanilang pakikipagtulungan sa Hong Kong University of Science and Technology upang sanayin ang susunod na henerasyon ng mga innovator na siyang magsusulong ng transpormasyon sa pananalapi sa Hong Kong.
Ang HSBC ay nagsimula bilang Hong Kong and Shanghai Banking Corporation noong 1865, ngunit sa kasalukuyan, ito ay isa nang multinational universal bank na may headquarters sa London.
Binigyang-diin ng financial secretary ng Hong Kong ang suporta ng mainland China
Sa nasabing panel, nagbahagi rin si Paul Chan Mo-po, ang Financial Secretary ng Hong Kong, kung saan kaniyang binigyang diin ang natatanging posisyon ng rehiyon bilang isang "financial hub" at pintuan patungo sa mainland China.
Nang tanungin kung kaya bang malampasan ng Hong Kong ang Switzerland bilang nangungunang "cross-border wealth management hub" sa mundo, sinabi ni Chan na matatag na ang pundasyon ng Hong Kong.
“Mayroon tayong napakahusay na ecosystem — mahuhusay na produkto at mga serbisyong propesyonal,” ani Chan. “Sa kabilang banda, ang mainland ang ating sandigan. Mayroon itong malaking populasyon at yaman, kaya naman napakataas ng ating kumpyansa.”
