Tinawag ni Robert Kiyosaki, ang author ng Rich Dad Poor Dad at isang matinding tagasuporta ng Bitcoin, na kriminal ang pagtuturo sa mga bata mula pagkabata pa na magtrabaho para sa isang inflationary currency, kasabay ng paggiit niya sa mga kabutihan ng Bitcoin.

“Ang mga mahihirap ay mahirap dahil wala silang ideya kung ano ang tunay na pera. At kaya ang ating academic system, alam mo, ang aking poor dad na mga professor, sila ay nag-i-indoktrina at nagsasanay sa mga bata, mga kabataan hanggang ngayon, na magtrabaho para sa pekeng pera.”

“Mag-aral, maghanap ng trabaho, maging masipag, magtipid, at mag-invest sa isang 401(k) na puno ng basura,” sabi ni Kiyosaki sa isang podcast noong Setyembre 17 na hosted ni Jordan Walker, ang Co-Founder ng Bitcoin Collective.

Si Kiyosaki sa FreedomFest noong Hulyo 2024. Source: Wikimedia Commons

Walang pinalampas si Kiyosaki sa kanyang pagbatikos sa mga central bank, na tinawag niyang katumbas ng criminal organizations at binansagan pa niyang “Marxists,” dahil aniya, sa tuwing magpi-print ng pera ang mga central bank, mas lalong yumayaman ang mayayaman, habang nagdurusa naman ang ibang economic classes.

“Kaya sa tuwing magpi-print kayo ng pera, nagpi-print kayo ng pekeng bagay na ito. Ang mga tulad kong mayayaman ay mas lalong yumayaman, ngunit ang mga mahihirap at middle class ay mas naghihirap.”

Ayon sa headline inflation calculator ng US Bureau of Labor Statistics, ang isang taong may hawak na $1,000 mula Agosto 2000 hanggang Agosto 2025 ay nawalan ng halos 47% ng purchasing power nito dahil sa headline inflation.

Nagtakda ang Federal Reserve ng target na 2% inflation taun-taon; gayunpaman, simula noong 2021, hindi na naabot ng ahensiya ang target na ito. Umabot sa 2.9% ang headline inflation noong Agosto, habang ang core inflation naman ay nasa 3.2%.

Samantala, ang BTC ay nag-rally nang mahigit 900% sa nakalipas na limang taon, mula humigit-kumulang $11,670 tungo sa $117,200 noong isinusulat ito, batay sa datos ng CoinGecko.

Nanghihinayang si Robert Kiyosaki, gusto sana'y higit 60 Bitcoin ang kanya

Sinabi ng American author na matagal bago niya lubusang naintindihan ang Bitcoin, ngunit nagsimula siyang bumili sa mark na $6,000 at kasalukuyan siyang may hawak na 60 BTC, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $7 milyon.

“At ang Bitcoin, noong lumabas ito, inabot ako ng matagal para maintindihan. Halimbawa, bumili ako sa $6,000, at sinasabi ko pa rin, ‘Bakit hindi ka bumili pa?’ Pero konti lang naman ang sakin, mayroon akong mga 60 Bitcoin,” pahayag ni Kiyosaki.

Sinabi ni Kiyosaki na ginagamit na niya ngayon ang kinikita mula sa kanyang mga rental property para mag-accumulate ng oil, gold, silver, Bitcoin at Ethereum.

Noong Abril, hinulaan ni Kiyosaki na aabot ang Bitcoin sa $1 milyon milestone bago matapos ang susunod na dekada.

Bagamat bullish siya sa BTC, nagkaroon na si Kiyosaki noon ng contrarian view sa asset na ito, at sinabing “malaki ang chance na mag-bu-bust din ang gold, silver, at Bitcoin,” at doon pa lang siya nagsimulang mag-accumulate pa ng mga asset na ito.

Nagpayo rin siya sa mga investor na maging maingat sa mga ETF, dahil ang mga ito ay paper assets at dahil dito, madali itong makaranas ng bank run. Gayunpaman, inamin ng American author na ang mga ETFs ang pinakamadaling paraan para mag-invest sa mga asset.

Mga bansang apektado ng inflation

Ang mga pahayag ni Kiyosaki sa podcast ay may punto. Ang inflation, lalo na ang hyperinflation, ay nagpapababa sa purchasing power ng ordinaryong tao.

Ang nakakaintriga, ang mga tao sa mga bansang kinakain ng inflation ang kanilang pinaghirapang pera ay lalong bumabaling sa crypto upang protektahan ang kanilang sarili sa pinansyal na aspeto.

Nagsimulang gumamit ng mga stablecoin, lalo na ang Tether (USDT), ang mga tao sa Venezuela bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay, dahil umabot sa 229% ang annual inflation rate ng bansa.

Sa simula ng taon, ang isang US dollar ay katumbas ng 51.95 Venezuelan bolívar. Ngayon, ang parehong dollar ay makakabili na ng 161.74 Venezuelan bolívar, ayon sa foreign exchange processor na Xe.

Samantala, sinabi ni Saifedean Ammous, ang author ng The Bitcoin Standard, na daragsa ang mga investor patungo sa US dollar at Bitcoin, dahil inaasahan niyang ang devaluation ng Argentine peso ay magiging sanhi upang i-dump ng mga tao ang currency at mga bonds ng bansa.

Nanawagan din si Raoul Pal, co-founder at CEO ng Real Vision, sa mga investor na humawak ng mas maraming crypto at NFTs para protektahan ang sarili mula sa exponential currency debasement.