Cointelegraph
Brian QuarmbyBrian Quarmby

Nais harangin ng isang mambabatas sa US si Trump at ang kanyang pamilya sa pag-trade ng crypto at stock

Naghahangad si US Representative Ro Khanna na maghain ng panukalang batas na magbabawal sa lahat ng hinalal na opisyal sa pag-trade ng mga stock at crypto, dahil sa mga conflict of interest.

Nais harangin ng isang mambabatas sa US si Trump at ang kanyang pamilya sa pag-trade ng crypto at stock
Balita

Naghahangad ang isang mambabatas sa US na pagbawalan si Pangulong Donald Trump, ang kanyang pamilya, at ang mga miyembro ng Kongreso sa pag-trade ng crypto o stocks.

Si US Representative Ro Khanna, isang Democrat mula sa California at vice-chair ng Congressional Progressive Caucus, ay nagpahayag sa MSNBC ng kanyang mga alalahanin tungkol sa malinaw na conflict of interest ni Trump sa crypto sa pamamagitan ng proyekto ng kanyang anak na World Liberty Financial (WLFI). Ipinunto niya na ang kamakailang pag-pardon kay Binance co-founder Changpeng “CZ” Zhao ay isang “garapalang korapsyon.”

“Mayroon kang dayuhang bilyonaryo na sangkot sa money-laundering,” sabi ni Khanna tungkol kay CZ, sabay dagdag na, “pagkatapos ay hihingi siya ng pardon kay Donald Trump matapos magpadala ng pera sa mga terorista.”

Gayunpaman, kamakailang binuweltahan ni CZ ang mga katulad na akusasyon mula kay Senator Elizabeth Warren, at sinabing “hindi tama ang mga nakukuha nitong impormasyon.”

Matatandaang umamin si CZ sa isang felony count ng paglabag sa US Bank Secrecy Act matapos mabigong magpatupad ng epektibong Anti-Money Laundering (AML) program sa Binance.

Ipinahiwatig ni Khanna na pinaburan ang co-founder ng Binance dahil sa pinansyal na suporta nito sa WLFI — na sumasalamin din sa mga naunang sentimyento ni US Representative Maxine Waters.

“At ang ginawa niya ay sinabi niyang ‘susuportahan ko ang World Liberty,’ na kompanyang cryptocurrency ng anak ng pangulo, kung saan kumikita sila ng milyun-milyong dolyar habang si Donald Trump ay pangulo. At binigyan siya ni Donald Trump ng pardon habang pinopondohan niya ang cryptocurrency stablecoin ni Donald Trump.”

Ilang beses nang umani ng kritisismo si Trump dahil sa kanyang ugnayan sa WLFI; gayunpaman, paulit-ulit na itinatanggi ng kanyang anak na si Eric Trump na may koneksyon ang kanyang ama sa proyekto. Sa isang panayam noong Setyembre, binigyang-diin ni Eric na ang kanyang ama ay “nagpapatakbo ng isang bansa. Hindi siya kasali sa aming mga negosyo sa anumang paraan o anyo.”

Tinalakay ni Rep. Khanna ang kanyang mga dahilan sa pagpapanukala ng bagong batas. Source: Ro Khanna

Hindi nagbigay si Khanna ng mga partikular na detalye tungkol sa kanyang panukalang batas, ngunit hindi siya nagmamatipid sa salita at nagtapos sa panawagang pagbawalan ang “sinumang hinalal na opisyal na magkaroon ng cryptocurrency at tumanggap ng pera mula sa ibang bansa.”

Ayon sa mga record ng gobyerno, ang pinakabagong bill ni Khanna ay hindi pa opisyal na naihahain.

Pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na mag-trade

Matagal nang mainit na pinagtatalunan ang isyu kung dapat bang payagan ang mga opisyal ng gobyerno na mag-invest sa mga sektor gaya ng stock market.

Sa kasalukuyan, patuloy ang matinding debate sa US tungkol sa bipartisan na congressional stock trading bill, na inaasahang pagbobotohan na sa lalong madaling panahon.

Upang magbigay ng konteksto kung gaano kalabo ang sitwasyon, habang binabatikos ni Khanna ang ugnayan ni Trump sa crypto, mayroon din siyang sariling mga interes sa stock market, na nagpapakita ng potensyal na hipokrisya.

Ayon sa data mula sa Quiver Quant, si Khanna mismo ay nakapagtala ng $80.3 milyong halaga ng stock trade volume nitong taong 2025.

Mula nang maging kinatawan ng California noong 2017, nakagawa na si Khanna ng mahigit 35,000 trades na may kabuoang volume na mahigit $580 milyon. Ang kanyang tatlong pinaka-tinatransak na sektor ay ang pananalapi, teknolohiyang pang-impormasyon, at pangangalagang pangkalusugan.

  Ang kasaysayan ng stock trading ni Rep Khanna. Source: Quiver Quant