Cointelegraph
Zoltan VardaiZoltan Vardai

Tinitingnan ng OpenAI ang isang trillion-dollar IPO sa gitna ng global AI arms race: Ulat

Naghahanda ang OpenAI para sa isang trillion-dollar na IPO sa 2026 upang pondohan ang susunod na ebolusyon ng ChatGPT sa gitna ng tumitinding kompetisyon sa AI sa buong mundo, ayon sa ulat ng Reuters.

Tinitingnan ng OpenAI ang isang trillion-dollar IPO sa gitna ng global AI arms race: Ulat
Balita

Iniulat na naghahanda ang artificial intelligence company na OpenAI para sa isang initial public offering (IPO) sa huling bahagi ng 2026, na maaaring magtulak sa valuation ng itinuturing na pinakamalaking startup sa mundo sa $1 trilyon.

Ang nasabing AI company ay nagpaplano umanong ilunsad ang kanilang IPO sa $1 trillion valuation, na kabibilangan ng isang $60 billion capital raise, ayon sa tatlong hindi nagpakilalang source na pamilyar sa usapin, base sa ulat ng Reuters noong Oktubre 30.

Maaaring maihain ang mga dokumento sa mga US securities regulator sa ikalawang bahagi ng 2026, dahilan upang mas mapaaga ang pagpasok ng OpenAI sa public markets kumpara sa nauna nilang target na taong 2027.

Gayunpaman, sinabi ng isang spokesperson ng OpenAI sa Reuters na wala pang itinakdang petsa para sa IPO, dahil ang pangunahing pokus ng kompanya ay nananatili sa pagbuo ng artificial general intelligence (AGI). “Bumubuo kami ng isang matatag na negosyo at isinusulong ang aming misyon upang ang lahat ay makinabang sa AGI,” anila.

Ang laki ng potensyal na offering na ito ay hudyat ng lumalagong interes ng mga institusyon sa pagpapaunlad ng AI, partikular na para sa OpenAI, na naging pinakamalaking startup sa mundo matapos maabot ang $500 bilyong valuation sa isang secondary share sale noong Oktubre 2.

Sa nasabing bentahan ng shares, ang mga empleyado ng OpenAI ay nakapagbenta ng kabuoang $6.6 bilyon na stock sa mga malalaking corporate investor. Dahil sa round na ito, ang $500 bilyong valuation ng OpenAI ay nalampasan na ang SpaceX startup ni Elon Musk, na may valuation na $400 bilyon.

Mga AI rival mula China, tinalo ang ChatGPT sa crypto trading

Sa kabila ng lumalaking pondo nito, ang flagship product ng OpenAI na ChatGPT ay nalampasan kamakailan sa isang partikular na larangan: ang autonomous crypto trading.

Sa isang kompetisyon para sa autonomous crypto trading, panandaliang naungusan ng mga Chinese AI chatbot na DeepSeek at Qwen3 Max ang ChatGPT at Grok pagdating sa trading ng crypto.

Ang DeepSeek ang tanging AI model na nakapagtala ng positibong trading return na nasa 9% noong Oktubre 22, habang ang ChatGPT-5 naman ay nalaglag sa huling pwesto matapos makaranas ng 66% na lugi.

Mga AI model, crypto trading competition. Source: CoinGlass

Ang mga resultang ito ay ikinagulat ng marami, lalo na’t ang DeepSeek ay binuo sa kabuoang training cost na $5.3 milyon lamang, isang maliit na bahagi kung ikukumpara sa $5.7 bilyong ginastos ng OpenAI para sa mga inisyatiba sa research at development sa unang kalahati pa lamang ng 2025.

Kaugnay: Nanawagan si Arthur Hayes para sa $1M Bitcoin kasabay ng pag-uutos ng bagong PM ng Japan ng economic stimulus

Gayunpaman, ang paggamit ng mga tamang prompt at mas pinahusay na training data ay maaaring magpabuti sa trading performance ng ilan sa mga AI model na ito, partikular na para sa ChatGPT at Google Gemini, ayon kay Nicolai Sondergaard, isang research analyst sa crypto intelligence platform na Nansen.

“Sa pag-aakalang lahat ng model ay nakatanggap ng parehong mga prompt at instruksyon para sa pag-trade, masasabing ang pagkakaiba ay nasa datos na ginamit sa pag-train sa bawat model,” pahayag niya sa Cointelegraph.