Halos 10 na taon matapos siyang bumili ng Bitcoin sa Coinbase, muling nabawi ng NBA superstar na si Kevin Durant ang kanyang mga holding matapos makumpleto ang pagbawi sa kanyang account.

Ang balita ay inanunsyo sa pamamagitan ng isang post sa X ni Coinbase CEO Brian Armstrong noong Setyembre 18 ng gabi. “Naayos na namin ito. Kumpleto na ang account recovery!” isinulat ni Armstrong.

Source: Brian Armstrong

Si Durant, isang 15-time NBA All-Star player ng Houston Rockets ngayong season, ay ibinahagi ang kwento ng kanyang nawalang Bitcoin (BTC) noong Setyembre 16 sa taunang Gameplan Summit sa Santa Monica.

Kasama ang kanyang agent na si Rich Kleiman, ikinuwento ni Durant sa host na si Andrew Ross Sorkin na noong mga taong 2014 o 2015, natuklasan niya ang Bitcoin sa panonood ng mga video sa YouTube, at agad niya itong sinubukan.

Isinalaysay ni Kleiman na pagkatapos no’n, tinawagan nila ang kanilang business manager, na agad namang pinatigil ang ideya. Ngunit makalipas ang humigit-kumulang isang taon, matapos nilang marinig ang salitang Bitcoin nang maraming beses sa isang party na inorganisa ni Ben Horowitz, ang co-founder ng venture capital firm na a16z, nagsimula silang mag-invest kinabukasan din.

Idinagdag pa ni Kleiman, “At sa kabutihang-palad, hindi pa namin natutunton ang info ng kanyang Coinbase account, kaya wala pa kaming nabebenta. Ang kanyang Bitcoin ay lumaki na nang husto.”

Ang pagkawala ng iyong password sa Coinbase ay nangangahulugang mala-lock out ka sa iyong account, at kung wala kang mga recovery details tulad ng two-factor authentication codes o iyong email, hindi mo maa-access ang crypto na nakaimbak doon.

Hindi isiniwalat ni Durant o ng kanyang agent, na mga naunang investor din ng Coinbase sa pamamagitan ng kanilang joint business venture na Thirty Five Ventures, kung gaano karaming Bitcoin ang binili nila noong panahong iyon.

Ayon sa datos ng CoinGecko, noong 2016, ang presyo ng Bitcoin ay naglaro sa pagitan ng tinatayang $400 sa simula ng taon at $1,000 sa pagtatapos ng taon. Mula nang matapos ang 2016, kung saan nagkakahalaga ng $998 ang Bitcoin, sumipa nang higit sa 11,470% ang presyo nito at kasalukuyan itong nagkakahalaga ng $115,480 habang isinusulat ito.

Muling pinupuntirya ang customer service ng Coinbase

Ang pagkabawi sa account ni Durant ay umani ng iba't ibang reaksyon mula sa mga user na nagsabing nakaranas din sila ng kahalintulad na problema, ngunit iba ang kinahinatnan.

Ilang user ang naglabas ng hinaing na sila ay taon na ring naka-lock out sa kanilang account at wala silang swerteng makabawi. “Mayroon kang libu-libong tao na na-lock out sa kanilang mga account, Brian. Sila rin ang mga taong ipinagkanulo at ibinigay ng iyong CS team ang kanilang data,” pahayag ng X user na si Erik Astramecki.

Source: ErikAstramecki

Noong Setyembre 19, tinugunan ni Armstrong ang mga reklamo ng mga user sa pamamagitan ng pag-repost ng isang thread mula sa isa sa mga customer support team leader ng kompanya na nagdetalye ng mga pagbabagong ginagawa.

“Naglalagay kami ng malaking focus sa pagpapabuti ng customer support sa magkabilang dulo — pagpapaganda ng mga produkto upang mas kaunti ang mangailangan ng suporta, at pagbibigay ng mas mabilis at mas mataas na kalidad na serbisyo kung sakaling kailanganin mo ito,” sabi ni Armstrong.

Source: Brian_Armstrong