Inilunsad na ng payment processor na Square ang kanilang Bitcoin payment feature para sa mga nagbebenta. Binibigyan nito ang mga merchant ng opsyong tumanggap ng Bitcoin (BTC) sa checkout sa pamamagitan ng kanilang point-of-sale system.
Sinabi ni Jack Dorsey, ang co-founder ng Block, sa isang post sa X noong Nobyembre 10 na sa pamamagitan ng bagong feature na ito, ang mga merchant na gumagamit ng Square ay maaari nang tumanggap ng mga bayad na: Bitcoin to Bitcoin, Bitcoin to fiat, fiat to Bitcoin, o fiat to fiat.
Kasabay nito, ipinahayag ni Jacob Szymik, isang account executive sa Square, na ang mga pagbabayad gamit ang Bitcoin ay kasalukuyang available lamang para sa mga in-person na pagbili at sa mga point-of-sale terminal. Ngunit, kasalukuyan na raw na ginagawa ang mga opsyon para sa online at invoicing, at nagpahiwatig na may mga darating pang update sa lalong madaling panahon.
Binigyan-diin din niya na walang anumang fee hanggang sa taong 2027. Una nang nagpahayag ang Block na ang mga fee ay magsisimula sa 1% kapag natapos na ang nasabing panahon. Kung ihahambing, ang mga processing fee sa credit card ay karaniwang nasa 1.5% hanggang 4%.
Nagpahiwatig na ang Square tungkol sa kanilang Bitcoin payments noong Oktubre nang ilunsad nito ang isang conversion feature. Binibigyang-daan nito ang mga nagbebenta na i-convert ang isang porsyento ng kanilang pang-araw-araw na kita mula sa card sales tungo sa Bitcoin. Ang dalawang serbisyong ito ay bahagi ng kanilang payment and wallet solution na Square Bitcoin. Una nang sinabi ng kompanya na ilalabas nila ang serbisyong ito pagsapit ng 2026.
Mga user na gumagamit na ng sistema
Mahigit apat na milyong nagbebenta ang gumagamit ng Square sa walong bansa, kabilang ang United States, France, United Kingdom, at Japan, ayon sa kompanya.
Ilang user sa X ang nag-ulat na na ginagamit na nila ang Bitcoin payment feature. Sinabi ni Parker Lewis, ang head of business development sa Zaprite, na nakita niya itong gumagana “sa sarili niyang mga mata at bumili ng kape” sa Medici, isang coffee roaster sa Texas.
“Magandang araw para sa Medici, Square, at sa lahat ng mga Square merchant na magsisimula nang tumanggap ng Bitcoin, at para sa Bitcoin sa pangkalahatan. Mga Bitcoiner, suportahan niyo ang inyong mga lokal na Square merchant,” aniya.
I was the first customer to pay with bitcoin at My Coffee in Roseburg Oregon! 🧡 https://t.co/D5mZ8qU70U
— Ryan Finlay (@ryanfinlay) November 10, 2025
Iniulat ni Katie Ananina, ang chief marketing officer ng tech platform na CitizenX, na siya ang kauna-unahang tao na nagbayad gamit ang Bitcoin sa nabanggit na coffee roaster.
“Marami sa amin ang sumubok na kumbinsihin ang mga merchant na tumanggap ng BTC. Sa loob ng maraming taon, naging napakahirap nito,” ani Ananina sa isa pang post.
“Kailangan mo talagang i-orange pill ang tao sa likod ng negosyo hanggang sa sila mismo ay maging Bitcoiner bago sila sumali. Ang hakbang na ito ng Square ngayon ay tunay na makasaysayan at ginagawa nitong mas madali ang pagpasok sa mundo ng Bitcoin. Napakalaking bagay nito!”
Isang survey mula sa YouGov noong Hulyo ang nakatuklas na 37% sa 1,000 respondent sa US at UK ang naniniwala na ang mga pagbabayad ang isa sa mga pangunahing pakinabang ng crypto at artificial intelligence.
Live map ng mga tindahang tumatanggap ng Bitcoin, inilunsad na
Nagbahagi rin si Dorsey ng isang post mula sa head of product design ng Cash App, na nag-aanunsyo ng paglulunsad ng isang mapa na nagpapakita ng lahat ng mga merchant sa buong mundo na tumatanggap ng Bitcoin.
“Kumbinsihin niyo ang inyong mga lokal na Square seller na i-on ang pagtanggap ng Bitcoin para sa zero fees sa bawat benta. Hikayatin silang panatilihin itong Bitcoin upang mas matulungan silang makabangon mula sa paghina ng halaga ng dolyar,” dagdag ni Dorsey.
