Itinaas ng Harvard University ang kanilang pamumuhunan sa Bitcoin exchange-traded fund (ETF) ng BlackRock nang mahigit 250% sa ikatlong quarter, matapos ang unang pagpasok ng Ivy League school sa nasabing fund noong unang bahagi ng taong ito.
Iniulat ng Harvard Management Company, ang negosyong namamahala sa $57 bilyon na endowment fund ng unibersidad, sa isang regulatory filing na may hawak silang mahigit 6.8 milyong shares sa iShares Bitcoin Trust ETF (IBIT) na nagkakahalaga ng $442.8 milyon noong ika-30 ng Setyembre.
Isiniwalat ng unibersidad noong Agosto na nagkaroon sila ng posisyon sa IBIT sa unang pagkakataon, na may hawak na humigit-kumulang 1.9 milyong shares na nagkakahalaga noon ng $116.6 milyon.
“Napakabihira” para sa isang unibersidad na bumili ng ETF
Sinabi ni Eric Balchunas, isang ETF analyst sa Bloomberg, noong Nobyembre 14 na “mahirap mapakagat ang isang endowment fund sa isang ETF.”
“Ito na ang pinakamagandang validation na maaaring makuha ng isang ETF,” dagdag niya, ngunit binigyang-diin na ang IBIT investment ng Harvard ay “maliit na 1% lamang ng kabuoang endowment.”
Ang IBIT ang pinakamalaking investment ng Harvard sa kanilang filing at ito ang kanilang “pinakamalaking pagtaas ng posisyon sa Q3.” Sa kasalukuyan, ang Harvard ang ika-16 sa pinakamalalaking holder ng nasabing ETF, ayon kay Balchunas.
Sinabi ni Balchunas noong Agosto, matapos ang unang pagbili ng Harvard sa IBIT, na ang mga endowment ay "kilalang anti-ETF" at ang "pinakamahirap na institusyong makuha" pagdating sa mga ETF.
Itinaas ng Harvard ang exposure sa ginto at teknolohiya
Ang natitirang bahagi ng mga investment ng Harvard ay pangunahing nakalagak sa malalaking kompanya ng teknolohiya sa US, kabilang ang Amazon, Meta, Microsoft, at Alphabet, ang parent company ng Google.
Bumili rin ang unibersidad ng bagong posisyon na nagkakahalaga ng $16.8 milyon sa fintech na Klarna, isang buy-now, pay-later service at $59.1 milyong halaga ng mga share sa Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC).
Halos dinoble rin ng Harvard ang exposure nito sa ginto, kung saan itinaas nito ang pagmamay-ari ng share sa gold-backed ETF na SPDR Gold Shares (GLD) patungong 661,391 shares na nagkakahalaga ng $235.1 milyon, mula sa 333,000 shares na hawak nito noong Agosto.
Ipinapakita ng SoSoValue na ang mga Bitcoin (BTC) ETF ay nakapagtala ng mga net outflow na nagkakahalaga ng $1.11 bilyon sa linggo ng trading na natapos noong Biyernes, kasabay ng pagbaba ng presyo ng Bitcoin sa ilalim ng $100,000.
Ang Bitcoin ay kasalukuyang kinakalakal sa halagang mababa sa $95,000 matapos bumagsak sa antas na $93,029 sa nakalipas na 24 oras, na panandaliang nagbura sa mga kinita nito simula noong simula ng taon.
