Dahil may ilang dekada pa ang nalalabi para kay Sam “SBF” Bankman-Fried sa loob ng bilangguan, maghaharap na ng mga argumento ang legal team ng dating FTX CEO sa appellate court upang kumbinsihin ang mga hukom na baligtarin ang kaniyang hatol o sentensya.
Noong Nobyembre 4, dininig ng US Court of Appeals for the Second Circuit ang mga oral argument mula sa mga abogado ni SBF. Bagaman hindi pa malinaw ang lahat ng detalye ng apela sa oras ng pagkakalathala, sinabi ng kaniyang mga abogado sa kanilang unang filing noong Setyembre 2024 na balak nilang igiit na si SBF ay “hindi kailanman itinuring na inosente.” Giit nila, hindi sila pinayagang magpakita ng impormasyon sa korte tungkol sa kakayahan ng crypto exchange na magbayad ng mga obligasyon nito.
“Mula pa noong unang araw, ang umiiral na kwento — na unang binuo ng mga abogadong pumalit sa FTX at agad namang pinaniwalaan ng US Attorney’s Office — ay nagnakaw si Bankman-Fried ng bilyon-bilyong dolyar mula sa pondo ng mga customer, itinulak ang FTX sa pagkalugi, at nagdulot ng bilyon-bilyong halaga ng pinsala,” ayon sa apela noong Setyembre 2024.
“Ngayon, makalipas ang halos dalawang taon, isang ibang katotohanan ang lumalabas — isa na kumukumpirmang hindi kailanman naging insolbent ang FTX, at sa katunayan ay may mga asset na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon upang mabayaran ang mga customer nito. Ngunit ang mga hurado sa paglilitis ni Bankman-Fried ay hindi kailanman nabigyan ng pagkakataong makita ang katotohanang iyon.”
Matapos ang pagbagsak ng FTX noong Nobyembre 2022, inextradite ng mga awtoridad ng US si SBF mula sa Bahamas upang harapin ang mga sakdal, kabilang ang money laundering at fraud. Noong Nobyembre 2023, hinatulan ng hurado ang dating CEO ng guilty sa pitong counts ng felony, at noong Marso 2024, sinentensyahan siya ng isang hukom ng 25 taong pagkabilanggo.
Ang kaso ng tanyag na cryptocurrency executive na ito ay nakakuha ng atensyon mula sa industriya at maging sa mga mambabatas, lalo na’t nag-ambag si SBF ng milyun-milyong dolyar sa mga politiko sa pamamagitan ng kaniyang mga kompanya. Magdedesisyon ang appeals court kung bibigyan ba ng bagong paglilitis si Bankman-Fried o paninindigan ang kaniyang hatol sa New York.
Nakaabang din ba sa presidential pardon?
Matapos ang kaniyang paghatol at sentencing hearing, tila sinubukan ni SBF na ilapit ang kaniyang sarili sa mga Republican at mga politician na "right-leaning," sa tangkang makakuha ng positibong atensyon mula kay US President Donald Trump.
Nagpahayag si Trump ng kahandaang magbigay ng pardon o i-commute ang sentensya ng mga personalidad sa mundo ng cryptocurrency na sumusuporta sa kaniya o may ugnayang pang-negosyo sa mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Noong Enero, binigyan niya ng pardon ang founder ng Silk Road na si Ross Ulbricht, na nasentensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo. Ayon sa mga ulat, bahagi ito ng kaniyang panliligaw sa mga libertarian na botante noong eleksyon ng 2024.
Kamakailan lamang, pinatawad din ng pangulo ang dating CEO ng Binance na si Changpeng “CZ” Zhao, na nagsilbi ng apat na buwang pagkabilanggo noong 2024 matapos umaming nagkasala sa paglabag sa US Bank Secrecy Act. Dahil sa hakbang na ito, lalong uminit ang espekulasyon sa mga crypto user na si SBF na ang susunod na bibigyan ng pardon, ngunit wala pang inaanunsyo ang White House.
