Cointelegraph
Jesse Coghlan
Isinulat ni Jesse Coghlan,Manunulat ng Kawani
Felix Ng
Sinuri ni Felix Ng,Editor ng Kawani

Mga hukom: Hindi pwedeng sisihin ang FBI sa pagbura ng hard drive na may $345M na halaga ng Bitcoin

Ayon sa isang US appeals court, hindi kasalanan ng FBI ang pagbura sa isang drive na naglalaman ng mahigit 3,400 Bitcoin, dahil hindi kailanman ipinaalam ng may-ari nito na isang convicted criminal sa gobyerno na pagmamay-ari niya ang nasabing mga token.

Mga hukom: Hindi pwedeng sisihin ang FBI sa pagbura ng hard drive na may $345M na halaga ng Bitcoin
Balita

Isang lalaking nahatulan sa identity theft, na nag-aangking ang kanyang hard drive na may mahigit 3,400 Bitcoin ay kinumpiska at binura ng FBI, ang natalo sa kanyang demanda laban sa gobyerno sa isang US appeals court.

Isang panel ng tatlong hukom sa Eleventh Circuit Court of Appeals ang naglabas ng desisyon noong Nobyembre 4 na si Michael Prime ay hindi maaaring magdemanda sa gobyerno dahil sa pagkawala ng access key sa humigit-kumulang 3,443 Bitcoin (BTC), na nagkakahalaga na ngayon ng $345 milyon. Ayon sa korte, dati na kasing itinanggi ni Prime na mayroon siyang ganoong karaming crypto.

Matapos makalaya sa kulungan noong Hulyo 2022, hiniling ni Prime sa korte na ibalik sa kaniya ang hard drive na naglalaman ng Bitcoin. Ngunit ayon sa mga hukom, binura na ito ng FBI bilang bahagi ng kanilang standard procedures, isang aksyon na iginiit ni Prime na ilegal.

“Sa loob ng maraming taon, itinanggi ni Prime na mayroon siyang maraming Bitcoin. At wala rin ang Bitcoin sa listahan noong sinubukan niyang bawiin ang kaniyang mga nawawalang asset matapos siyang makalaya,” isinulat ng mga hukom. “Kalaunan na lamang nagpanggap si Prime na isa siyang bitcoin tycoon.”

Sumang-ayon sila sa mas mababang hukuman na ang pagkaantala ni Prime sa paghabol sa karapatan sa Bitcoin ay hindi makatwiran at nagpapatigil sa kanyang demanda, at idinagdag na “kahit pa umiiral ang bitcoin — at iyan ay isang malaking katanungan — ang pagbibigay kay Prime ng makatarungang lunas dito ay magiging hindi makatarungan.”

Inamin ni Prime na $1,500 lang ang halaga ng kaniyang Bitcoin, ayon sa mga hukom

Ayon sa opinyon ng panel, unang iginiit ni Prime na nagmamay-ari siya ng “humigit-kumulang 3,500 Bitcoin” bago siya pumasok sa isang plea deal noong Nobyembre 2019 upang aminin ang mga kasong device fraud, identity theft, at ilegal na pagtatangan ng baril.

“Ngunit matapos ang plea deal, nag-iba ang tono ni Prime — hindi na niya iginiit na nagmamay-ari siya ng malaking halaga ng cryptocurrency,” isinulat ng mga hukom.

Sinabi ng panel na noong Pebrero 2020, sa financial disclosure ni Prime sa gobyerno, iniulat niya na nagmamay-ari lamang siya ng “$200 hanggang $1,500 na halaga ng bitcoin” at kalaunan ay sinabi sa probation office na ang mga asset na ito na lamang ang kaniyang “natitirang ari-arian.”

Isang binigyang-diin na sipi mula sa opinyon ng Eleventh Circuit na nagpapatunay na sinabi ni Michael Prime na kakaunti lamang ang kaniyang Bitcoin. Source: US Court of Appeals For the Eleventh Circuit 

Matapos ang dalawang taong pagkakakulong at pagkalipat sa isang halfway house, isinaad sa opinyon na nagdemand si Prime upang mabawi ang kaniyang mga hard drive. Gayunpaman, ibinasura ng isang federal court sa Orlando ang kahilingan dahil ang mga ito ay nasira na.

Sinabi sa opinyon ng appeals court na sinubukan ni Prime na magdahilan tungkol sa mababang halagang kaniyang iniulat. Iginiit niya na ang ibig niyang sabihin sa iniulat na “$200 hanggang $1,500” ay ang presyo ng isang Bitcoin noong panahong iyon.

“Hindi kami naniniwala,” isinulat ng mga hukom. Idinagdag nila na ang kaniyang depensa ay preposterous dahil ang halaga ng Bitcoin ay lagpas sa $10,000 noong Pebrero 2020.

Ang isang cryptographic key ang tanging paraan upang ma-access ang Bitcoin na nakaimbak sa isang pisikal na device, gaya ng hard drive o wallet. Ang pagkawala nito ay nangangahulugan din ng pagkawala ng access sa pondong nasa loob nito.

Ayon sa datos mula sa Glassnode, humigit-kumulang 1.46 milyong BTC, o halos 7% ng kabuoang 21 milyong suppay nito, ang malamang na nawala na nang tuluyan.

Gayunpaman, nag-iiba-iba ang mga pagtaya; iniulat ng Chainalysis noong 2018 na ang halaga ng Bitcoin na permanenteng nawala ay maaaring umabot sa 3.7 milyong BTC, na mahigit 17.5% ng kabuoang suplay nito.

Ang Cointelegraph ay nakatuon sa independiyente at transparent na pamamahayag. Ang artikulong balita na ito ay ginawa alinsunod sa Patakarang Editoryal ng Cointelegraph at naglalayong magbigay ng tumpak at napapanahong impormasyon. Hinihikayat ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon nang mag-isa. Basahin ang aming Patakarang Editoryal https://ph.cointelegraph.com/editorial-policy