Habang inilulunsad ng European Union ang kanilang pangunahing batas sa crypto, ang Markets in Crypto-Assets (MiCA), ang pangako nitong magkaroon ng nagkakaisang market ay nahaharap na agad sa matinding pagsubok.

Sa pinakabagong episode ng Byte-Sized Insight ng Cointelegraph, sinuri nila kung makakaya pa bang tuparin ng MiCA ang pangakong ito.

Mga pangako vs realidad

Ang regulasyon na ito ay binuo upang mapagaan ang operasyon ng mga crypto firm sa pamamagitan ng pagpapakilala ng iisang sistema ng lisensya para sa lahat ng 27 bansang miyembro. Kapag nakakuha na ng lisensya sa isang bansa, ang mga kompanya ay magkakaroon ng kakayahang "i-passport" ang kanilang mga serbisyo sa buong bloc nang hindi na kailangang dumaan pa sa iba't ibang kumplikadong lokal na patakaran.

Ngunit wala pang isang taon simula nang ipatupad ito, ang mga pambansang regulator sa mga bansang tulad ng France, Italy, at Austria ay nagpapahayag na ng pag-aalala na baka hikayatin ng passporting ang mga crypto firm na pumili ng mga hurisdiksyon na may mas mabababang pangangasiwa. Ang gawain na ito ay kilala bilang regulatory arbitrage.

Ayon kay Jerome Castille, pinuno ng compliance at regulatory affairs para sa Europa sa CoinShares, “Hindi na bago ang regulatory competition sa Europa.”

“Nakita natin kung paanong dumagsa ang mga retail trading platform sa Cyprus at Malta noong ipinatupad ang MiFID. Sa MiCA, ang inaasahan ay magiging iba na ang sitwasyon ngayon. Pero sa kasamaang-palad, parang nakikita ulit natin ang mga kompanya na pumipili ng mga lugar na itinuturing nilang mas madaling kausap o mas madaling makakuha ng lisensya. At kapag naisip ng mga tao na hindi pare-pareho ang halaga ng bawat lisensya, ang buong pangako ng iisang market ay mawawala na lang.”

Ang problema raw, ayon kay Castille, ay hindi sa kakulangan ng batas, kundi sa hindi pare-parehong pagpapatupad nito. “Napakataas na ng investor protection sa Europa, at malamang, ito na ang pinakamataas sa buong mundo,” paliwanag pa niya.

“Ang tunay na problema ngayon ay ang pagtiyak na ang MiCA ay lubusang maipatupad. Kung walang pormal na gabay, ang mga pambansang regulator ay nagpapasya batay sa sarili nilang pagtingin. Doon nagmumula ang pagkakaiba-iba, o maging ang regulatory arbitrage. Kung magagawa natin ito nang tama, ang market ay magiging parehong ligtas at kaakit-akit para sa mga pandaigdigang manlalaro. Kung hindi, hahanap ng ibang lugar ang inobasyon.”

Munting isda sa malawak na karagatan

Para naman sa mga maliliit na kompanya, lubhang mahirap ang pagpapatupad nito. Ayon kay Marina Markezic, executive director ng European Crypto Initiative, ang pagkakaiba sa kakayahan ng mga regulator at ang bilis ng paglabas ng mga bagong patakaran ay maaaring maging sanhi upang ma-ipit sa market ang mga startup.

“Talaga namang napakabigat para maging compliant kaagad sa loob ng napakaikling panahon,” pahayag niya.

“Para sa malalaking kompanya, ang pagkakaroon ng iisang pag-access sa buong European Union market ay talagang positibo. Ngunit sa kasamaang-palad, para sa mas maliliit na kompanya, ito ay isang napakalaking pasanin at posibleng hindi sila makaligtas sa prosesong ito.”

Habang ang MiCA ay ang pagtatangka ng Europa na manguna sa regulasyon ng crypto, ang tagumpay nito ay nakasalalay kung pantay-pantay ba ang pagpapatupad ng mga patakaran sa buong bloc.

Idinagdag pa ni Markezic, “Mayroong 27 na iba’t ibang pambansang awtoridad na nangangasiwa sa parehong regulasyon. Ang ilan ay mas malaki, ang ilan ay mas maliit; ang ilan ay mas may karanasan, ang ilan ay kulang. Ito talaga ay isang pagsubok para sa Europa upang makita kung kaya naming mangasiwa nang tuluy-tuloy at pare-pareho.”

Pakinggan ang buong episode ng Byte-Sized Insight para sa kumpletong panayam. Available ito sa Podcasts page ng Cointelegraph, Apple Podcasts o Spotify. At huwag ding kalimutang silipin ang iba pang show ng Cointelegraph!