Si Eric Trump, anak ni US President Donald Trump at co-founder ng American Bitcoin, ay hindi natitinag sa kamakailang pagbaba ng presyo sa cryptocurrency markets. Aniya, ang pabago-bagong presyo ay ang katumbas na "bayad" para makamit ang pambihirang kita.
“Sa tingin ko, ang volatility ay iyong kaibigan,” sabi ni Trump sa isang panayam sa The Wall Street Journal, habang ang Bitcoin (BTC) ay sandaling bumaba sa $95,00 — mga 25% na mas mababa kumpara sa rurok nito noong unang bahagi ng Oktubre.
Mas malala ang naging epekto sa mga altcoin, kung saan ang mga pangunahing asset ay bumagsak mula 5% hanggang 11%. Bahagi ito ng panghihina ng arket na nagsimula sa market crash noong Oktubre 10, na nagpabura sa humigit-kumulang $19 bilyon na leveraged position.
Sa kabuoan, ang crypto market ay nakitaan ng pagkawala ng mahigit $1 trilyon sa pinagsama-samang market capitalization mula sa pinakamataas na naitala nito.
Gayunpaman, para kay Trump, ito ay normal na bahagi lamang ng mundo ng pag-iinvest sa crypto.
“Ang sinumang hindi kayang tanggapin ang volatility sa cryptocurrency ay marahil dapat nang umalis dito,” aniya. “Sa katunayan, isa itong magandang pagkakataon para sa amin na bumili.”
Todo-ipon ng BTC ang American Bitcoin
Isinasabuhay ni Trump ang kaniyang pilosopiya. Ang American Bitcoin, ang mining company na kaniyang pinamumunuan, na naging public company ngayong taon sa pamamagitan ng reverse merger sa Gryphon Digital Mining, ay nagdagdag ng mahigit 3,000 BTC noong ikatlong quarter. Dahil dito, umakyat sa mahigit 4,000 BTC ang kabuoang hawak ng kompanya.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ni Trump ang pagpapalago sa Bitcoin reserves ng kompanya. Priyoridad niya ang mga sukatan gaya ng Bitcoin-per-share ratio, na ayon sa kaniya ay magpapatatag sa halaga para sa mga shareholder sa huli.
Ang mga hakbang na ito ay kasabay ng pagtutulak ng administrasyon ni Donald Trump para sa mas malawak na pagtanggap sa crypto. Tampok dito ang executive order noong Enero tungkol sa digital assets, ang pagbuo ng isang federal working group para sa crypto markets na pinamumunuan ng "Crypto Czar" na si David Sacks, at ang pagpasa ng mahahalagang batas para sa stablecoin gaya ng GENIUS Act. Gayunpaman, ang halaga ng Bitcoin ay halos hindi nagbago kumpara sa presyo nito noong ika-1 ng Enero.
