Cointelegraph
Brian Quarmby
Isinulat ni Brian Quarmby,Kontribyutor
Rahul Nambiampurath
Sinuri ni Rahul Nambiampurath,Editor ng Kawani

Itinanggi ng abogado ni CZ na ang pardon sa co-founder ng Binance ay isang ‘pay-to-play’

Tinawag ni Teresa Goody Guillén ang mga akusasyon bilang isang salansan ng mga maling pahayag, habang kinuwestiyon niya ang political immunity ng mga kritikong gaya ni Senator Elizabeth Warren.

Itinanggi ng abogado ni CZ na ang pardon sa co-founder ng Binance ay isang ‘pay-to-play’
Balita

Itinanggi ng abogado ng co-founder ng Binance na si Changpeng “CZ” Zhao na nagbayad ito para makakuha ng pardon mula kay US President Donald Trump.

Sa kanyang pagharap sa “Pomp Podcast” ni Anthony Pompliano noong Nobyembre 14, inilarawan ng personal na abogado ni CZ na si Teresa Goody Guillén ang mga kritisismo sa pagbibigay ng pardon kay CZ bilang isang “salansan ng maraming maling pahayag.”

“Patuloy na tinutukoy ng media ang World Liberty bilang kompanya ni Trump, at wala pa akong nakikitang anuman na magpapatunay na totoo iyon,” aniya, at idinagdag:

“Gumagawa ang mga tao ng mga asumsyon na nagpapakita lamang ng pangunahing kawalan ng pag-unawa sa kung paano gumagana ang negosyo o kung paano gumagana ang blockchain.”
Source: Pomp Podcast

Nakulong si CZ ng apat na buwan noong 2024 at napilitang bumaba sa puwesto sa Binance dahil sa mga kasong may kaugnayan sa kabiguang magtatag ng mga protocol para sa Anti-Money Laundering sa naturang kumpanya.

Binigyan ng pardon ang dating CEO ng Binance ni Donald Trump noong Oktubre, kung saan ipinahayag ng presidente na ang naging dahilan ng pagkakulong ni CZ ay “hindi naman isang krimen.”

Binatikos ito ng mga kritiko, kabilang si Democratic Senator Elizabeth Warren, na tinawag ang pardon bilang “korapsyon” dahil “pinalakas” umano ni CZ ang isa sa mga crypto venture ni Trump at “nag-lobby para sa pardon.”

Buweltang sagot naman ng dating CEO ng Binance, hindi man lamang daw makuha ng senadora ang “mga tamang katotohanan.”

Bilang tugon sa mga pahayag ni Warren, kinuwestiyon ni Guillén ang immunity na ibinibigay sa mga politiko sa US, habang binabatikos si Warren sa maling paggiit na si CZ ay nahatulan ng krimen na “hindi naman niya kinasangkutan,” kasabay ng mga alegasyon ng karagdagang “criminal liability” laban sa kanya dahil sa pardon.

“Isa itong aspeto na inaasahan kong pagtutuunan natin ng mas malawak na atensyon dahil, alam niyo, ang immunity na ibinibigay sa mga taong ito ay hindi ang siyang ninais ng ating mga founding fathers,” aniya.

Ayon sa abogado ni CZ ang pardon ay isang “katarungan”

Sa kanyang pagharap sa podcast ni Pompliano, ipinunto ni Guillén na si CZ ay “binigyan ng pardon para sa katarungan.” Ipinangatwiran niya na si CZ ay ginawang scapegoat o pinalabas na biktima sa gitna ng “war on crypto,” habang binigyang-diin ang kawalan ng parusang pagkakulong sa mga ehekutibo ng tradisyunal na pananalapi (TradFi) na nasangkot sa mga katulad na isyung legal.

“Siya lang ang tanging tao na nakasuhan at ang mas malala pa, nakulong para sa partikular na kasong ito o anomang katulad nito na walang katangian ng panloloko, walang mga biktima, walang criminal history, o anomang katulad niyan,” ani Guillén, at idinagdag:

“Sa tingin ko, bahagi ito ng giyera laban sa crypto. Nangyari ito hindi nagtagal matapos ang pagbagsak ng FTX at sa tingin ko, ang giyera sa crypto ay kailangang may itumbang tao, kailangan nilang magsampa ng kaso at talagang usigin ang isang tao. At sa kasamaang palad, ang naging target ay ang Binance at si CZ.”
Ang Cointelegraph ay nakatuon sa independiyente at transparent na pamamahayag. Ang artikulong balita na ito ay ginawa alinsunod sa Patakarang Editoryal ng Cointelegraph at naglalayong magbigay ng tumpak at napapanahong impormasyon. Hinihikayat ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon nang mag-isa. Basahin ang aming Patakarang Editoryal https://ph.cointelegraph.com/editorial-policy