Ayon kay Deng Chao, CEO ng HashKey Capital, ang pagiging matatag ng mga corporate crypto treasury ay nakasalalay sa pamamahala at disiplina.
Sa isang panayam sa Cointelegraph, iginiit ni Chao na ang mga digital asset treasuries (DATs) ay sustainable sa pangmatagalan, ngunit may "isang mahalagang babala." Yung mga walang risk framework, hindi nagdi-diversify nang maayos, o tinuturing ang mga digital asset bilang speculative bet ay kadalasang bumabagsak sa pabago-bagong cycle ng market.
“Ang katatagan ay nagmumula sa disiplina,” aniya. “Ang mga digital asset mismo ay hindi likas na unsustainable; ang paraan ng pamamahala sa mga ito ang gumagawa ng kaibahan.”
Ang mga pahayag na ito ay inilabas ilang linggo matapos ilunsad ng HashKey ang kanilang $500 milyon na DAT fund sa Hong Kong. Target ng fund ang mga corporate treasury na nakabatay sa Bitcoin at Ethereum, at aktibo itong magde-deploy ng kapital sa onchain infrastructure, custody, at mga serbisyo ng ecosystem.
Ang fund ay idinisenyo upang magsilbi sa mga institusyon at korporasyon na naghahanap ng operational use ng mga digital asset. "Hindi lamang paghawak sa mga ito kundi pati na rin ang pagkuha ng benepisyo mula sa paglago ng pinagbabatayang infrastructure," dagdag niya.
DATs at ETFs: Magkaibang gamit, magkaibang layunin
Nagbigay ng pagkakaiba si Chao sa pagitan ng mga DATs at ETFs. Aniya, "hindi namin sila nakikitang magkaribal, kundi mga complementary vehicle." Nag-aalok ang mga ETF ng simpleng exposure para sa mga mainstream investor, habang ang mga DAT naman ay ginawa para sa mga treasury na gustong isama ang crypto sa kanilang pangmatagalang operasyon.
Ayon sa datos ng SoSoValue, ang mga spot Bitcoin ETF ay may pinagsamang $152.31 bilyon na asset, na kumakatawan sa 6.63% ng kabuoang market capitalization ng Bitcoin. Sa kabilang banda, ang mga pampublikong kompanya naman ay may hawak na 1,111,225 Bitcoin (BTC) sa kanilang balance sheet, na nagkakahalaga ng $128 bilyon, ayon sa BitcoinTreasuries.NET.
Napansin ni Chao na maraming corporate treasury ang nalugi dahil sa masyadong matitigas na fund structure o matinding pagbabago-bago. Ang DAT vehicle ng HashKey ay sumusuporta sa regular na subscription at redemption, at may exposure sa parehong BTC at ETH upang mabawasan ang concentration risk.
"Matagal nang nahihirapan ang mga treasury na pumasok sa crypto sa dalawang problema: liquidity at operations," sabi ni Chao. "Ang aming DAT fund ay binuo upang resolbahin ang mga problemang ito."
Plano ng HashKey na mag-deploy ng kapital sa mga Bitcoin at Ethereum ecosystem, na inilarawan ni Chao bilang 'dual anchors' o dalawang pangunahing haligi ng liquidity at inobasyon sa kasalukuyang crypto landscape. Kasama sa mga prayoridad na sektor ang custody, payments, staking services, at regulated stablecoin infrastructure.
Ang saklaw ng fund ay internasyonal. Bagama’t inilunsad ito sa Hong Kong, kinumpirma ni Chao na target din ng HashKey ang US, Japan, Korea, Southeast Asia, at UK, at sinabing "ang investment thesis ng fund ay global mula pa sa unang araw."
Hadlang ang mga maling paniniwala, sabi ni Chao
Tinugunan din ni Chao ang pagdududa mula sa tradisyonal na pananalapi. Maraming mga institusyonal na manlalaro ang naniniwala pa rin na ang crypto ay speculative, mahirap i-secure, o hindi tugma sa karaniwang accounting. "Ang mga maling paniniwalang ito ay hindi lamang kakulangan sa pag-unawa, kundi mga hadlang sa mas malawakang pagtanggap ng mga institusyon," dagdag niya.
Pagtingin sa hinaharap, sinabi ni Chao na ang HashKey ay lalong bullish o positibo sa real-world asset (RWA) tokenization, mga institutional OTC market, at infrastructure para sa mga onchain financial product.
“Pinalalawak ng mga tokenized product ang maaaring paglagakan ng puhunan,” aniya. “Ang mga OTC market naman ay nagbibigay ng mga channel para dumaloy ang kapital nang malawakan… Ang pagkakaisa na ito ay nagpapahiwatig ng pagbabago mula sa hiwa-hiwalay na crypto activity tungo sa isang ganap na integrated digital finance ecosystem.”