Mas kumpiyansa ngayon si Matt Hougan, ang Chief Investment Officer ng Bitwise, na sasabog ang crypto market sa 2026, lalo na’t hindi nagkaroon ng rally sa huling bahagi ng 2025.
Sa kanyang pakikipag-usap sa Cointelegraph sa Bridge conference sa New York City nitong Miyerkules, sinabi ni Hougan na kung nagkaroon ng rally sa dulo ng 2025, sasang-ayon ito sa four-year cycle thesis, na nangangahulugang ang 2026 ang magiging simula ng isang bear market, katulad noong 2022 at 2018.
Nang tanungin kung babaguhin niya ang kanyang prediksyon tungkol sa pag-usbong ng crypto market sa 2026, sinabi ni Hougan: “Mas kumpiyansa pa nga ako sa pahayag na iyon. Ang pinakamalaking panganib ay kung bigla tayong tumaas nang husto sa dulo ng 2025 at pagkatapos ay magkakaroon ng pullback.”
Ayon kay Hougan, patuloy na bibilis ang interes sa Bitcoin (BTC) debasement trade, mga stablecoin, at tokenization. Ipinunto rin niya na ang fee switch proposal ng Uniswap ay muling magpapasigla sa interes sa mga decentralized finance (DeFi) protocol sa susunod na taon.
“Sa tingin ko, ang mga batayang pundasyon ay talagang matatag,” sabi ni Hougan. “Ang mga puwersang ito, institutional investment, pag-unlad sa regulasyon, stablecoins, tokenization, sa tingin ko ay masyadong malalaki ang mga ito para mapigilan. Kaya naniniwala ako na ang 2026 ay magiging isang magandang taon.”
Maaari pa ring magtala ang Bitcoin ng bagong mataas na presyo bago matapos ang taon
Optimistiko pa rin si Hougan na ang Bitcoin, Ether (ETH) at Solana (SOL) ay makapagtatala ng mga bagong record bago ang 2026, ngunit hindi kasing taas ng inaasahan nina Arthur Hayes ang chief investment officer ng Maelstrom Fund at Tom Lee ang managing partner ng Fundstrat.
Hinulaan ng dalawa ilang buwan na ang nakalipas na ang Bitcoin at Ether ay maaaring umabot sa $250,000 at $15,000, ayon sa pagkakasunod, bago matapos ang taon.
Sa kasalukuyan, ang Bitcoin ay kinakalakal sa halagang $101,762 at ang Ether sa $3,416. Ibig sabihin, kailangan nilang tumaas nang 145% at 340% upang maabot ang mga ambisyosong target na ito.
Ang mga crypto-native retail ay "depressed"
Tungkol naman sa kasalukuyang pagbaba ng market, isinisi ito ni Hougan sa mga “crypto-native retail.” Ipinunto niya na maraming mga maagang investor ang may “compressed upside” dahil sa malalaking benta nitong mga nakaraang araw.
At ang mga umaasa na mauulit ang 2020-2021 bull cycle ay nakaranas ng matinding reyalidad, ayon kay Hougan.
“Ang mga crypto-native retail ay lugmok; binugbog sila ng FTX, binugbog sila ng kapahamakan sa mga memecoin. Pinanghinaan din sila ng loob dahil hindi dumating ang altcoin season. Nasaktan sila sa 10/10 liquidation, at sa tingin ko ay pinipili muna nilang hindi makialam ngayon.”
Sa kabilang banda, ang “TradFi retail” ay namamayagpag, ayon kay Hougan, na itinuro ang pagdami ng mga investment sa mga spot crypto exchange-traded fund sa nakalipas na dalawang taon.
“Ang traditional retail, gaya ng tito ko, ay pumapasok na sa crypto — buhay na buhay pa ang bahaging iyon ng retail,” sabi ni Hougan.
