Mariing tinutulan ng Coinbase ang mga paratang na banta ang mga stablecoin sa sistemang pagbabangko ng U.S., at tinawag na kathang-isip ang ideya ng pagkaubos ng deposito.
Sa isang blog post noong Setyembre 16, iginiit ng crypto exchange na walang basehan ang pangamba na nauubos ng mga stablecoin ang mga deposito sa bangko. Ayon sa Coinbase, lumabas sa "recent analysis" na walang malinaw na ugnayan ang pagdami ng gumagamit ng stablecoin at ang pagbaba ng mga deposito sa mga community bank.
“Ang mga stablecoin ay hindi banta sa pagpapahiram — nag-aalok sila ng alternatibong kompetisyon sa taunang $187 bilyon na kinikita ng mga bangko mula sa swipe-fee,” sulat ng exchange. Idinagdag pa nito na ang mga stablecoin ay hindi savings account kundi mga payment tool. “Ang isang tao na bumibili ng stablecoin para magbayad sa isang supplier sa ibang bansa ay hindi inililipat ang kanilang ipon — pinipili lang nila ang mas mabilis at mas murang paraan ng pagbabayad,” dagdag nito.
Kinuwestiyon din ng kompanya ang mga bagong paratang na nakasaad sa ulat ng US Treasury Borrowing Advisory Committee, na nag-project ng $6 trilyon sa posibleng deposit flight, sa kabila ng pag-forecast lamang ng $2 trilyon na stablecoin market pagdating ng 2028. “Hindi tugma ang matematika,” iginiit ng Coinbase.
Karamihan sa aktibidad ng mga stablecoin ay nangyayari sa labas ng U.S.
Sa isang kalakip na paper, sinabi ng Coinbase na karamihan sa aktibidad ng mga stablecoin ay nangyayari sa ibang bansa, lalo na sa mga rehiyon na may mahinang imprastraktura sa pananalapi. Binanggit ng paper, na kumikilala sa International Monetary Fund, na mahigit $1 trilyon mula sa $2 trilyong transaksyon ng stablecoin noong 2024 ang naganap sa labas ng U.S., partikular sa Asya, Latin America, at Africa.
Dahil halos lahat ng pangunahing stablecoin ay nakatali sa dolyar, lalo nitong pinalalakas ang dominasyon ng dolyar sa paggamit sa ibang bansa. Samakatuwid, sa halip na ubusin ang mga deposito ng U.S., nakatutulong pa ang mga stablecoin na palawakin ang pandaigdigang impluwensiya ng dolyar nang hindi naman gaanong naaapektuhan ang domestic credit availability, iginiit ng exchange.
Sinabi rin ng ulat na ang correlation ng pagganap ng stock ng mga bangko at ng mga crypto firm tulad ng Coinbase at Circle ay naging positibo matapos maipasa ang Guiding and Establishing National Innovation for US Stablecoins Act (GENIUS Act). Ipinapakita raw nito na kayang umunlad nang magkasama ang mga stablecoin at mga bangko.
Nakipag-ugnayan ang Cointelegraph sa Bank Policy Institute para humingi ng komento, ngunit wala pang natatanggap na tugon hanggang sa paglalathala.
Kailangang pahusayin ng mga bangko ang kanilang mga alok
Noong nakaraang linggo, binatikos ni Matt Hougan, ang investment chief ng Bitwise, ang mga bangko sa U.S. dahil sa pagrereklamo sa kompetisyon mula sa mga stablecoin sa halip na ayusin ang kanilang mga alok, lalo na ang interest rate para sa mga nagdedeposito. Iginiit niya na matagal nang inaabuso ng mga bangko ang mga depositor sa pamamagitan ng pag-aalok ng mabababang yields o tubo, at ngayon ay nagpa-panic sila dahil nagbibigay ng mas magandang alternatibo ang mga stablecoin.
Noong Agosto, hinimok ng mga US banking group, sa pangunguna ng Bank Policy Institute, ang Kongreso na isara ang isang loophole sa GENIUS Act na posibleng nagpapahintulot sa mga stablecoin issuer na mag-alok ng tubo nang hindi direkta sa pamamagitan ng mga crypto exchange o affiliate.
Bilang tugon, hiniling ng Crypto Council for Innovation at Blockchain Association sa mga mambabatas ng US na huwag aprubahan ang panukala, at nagbabala na ang mga iminumungkahing pagbabago ay magbibigay ng kalamangan sa tradisyonal na mga bangko habang sinasakal naman ang inobasyon.