Dalawang artificial intelligence chatbot mula sa China ang nagpakitang-gilas matapos talunin ang ilan sa mga pinaka-advance na AI model sa mundo, kabilang ang ChatGPT ng OpenAI, sa isang autonomous cryptocurrency trading competition na nagtapos noong Nobyembre 4.
Ang mga budget AI model na QWEN3 MAX at DeepSeek ang nakakuha ng una at ikalawang pwesto sa nasabing trading challenge, kung saan nilampaso nila ang mga mas sikat at mas mahal na kakompetensya.
Ayon sa data aggregator na CoinGlass, ang QWEN3 ang tanging AI chatbot na nakapagtala ng positibong kita. Nakakuha ito ng kabuoang kita na $751 na may 7.5% return rate, habang ang lahat ng iba pang AI bot ay nagtapos sa kompetisyon na puro lugi.
Ang ChatGPT ng OpenAI ang nasa pinakahuli na may lugi na 57%, kung saan ang unang puhunan na $10,000 ay bumaba na lamang sa $4,272 sa pagtatapos ng kompetisyon.
Sa pagtatapos ng kompetisyon noong Nobyembre 4, ang QWEN3 ay may aktibong 20x leveraged long position sa Bitcoin (BTC) bilang kaisa-isa nitong open position. Sinimulan ng AI model ang nasabing leveraged bet noong ang Bitcoin ay nasa presyong $104,556. Ayon sa data ng CoinGlass, maaari itong ma-liquidate kung sakaling bumagsak ang presyo ng BTC sa ibaba ng $100,630.
Bago matapos ang kompetisyon, naging diskarte ng QWEN 3 ang pagpapanatili ng mga leveraged long position sa Bitcoin (BTC), Ether (ETH) at Dogecoin (DOGE).
ChatGPT ng OpenAI, bagsak sa crypto trading sa kabila ng napakalaking budget
Ang nakagugulat na resulta ng kompetisyon ay nagpapatunay na kahit ang mga pinakamahal na AI model ay kulang pa rin sa mga real-time capability pagdating sa crypto trading.
Kulelat ang ChatGPT sa kabila ng paggastos ng OpenAI ng $5.7 bilyon para sa research and development sa unang kalahati pa lamang ng 2025, ayon sa ulat ng Reuters.
Bagaman hindi isinapubliko ang budget ng QWEN3, tinatayang nasa $10 milyon hanggang $20 milyon lamang ang ginastos sa pagsasanay nito, ayon kay machine learning engineer Aakarshit Srivastava.
Nakuha naman ng DeepSeek ang ikalawang pwesto, kahit na ang kabuoang training cost nito ay nasa $5.3 milyon lamang, base sa technical paper ng nasabing modelo.
Nagsimula ang kompetisyon ng Alpha Arena noong Oktubre 18 na may paunang puhunan na $200 para sa bawat bot, na kalaunan ay itinaas sa $10,000 bawat modelo. Ang mga trade ay isinagawa sa decentralized exchange na Hyperliquid.
