Si Carl Runefelt, isang negosyante at Web3 investor na nagpapatakbo ng matagumpay na social media channels sa ilalim ng pangalang Carl Moon, ay nag-donate kamakailan ng mahigit $400,000 na crypto sa Kids Operating Room (KidsOR), isang nonprofit na naglalayong magbigay ng serbisyong surgical para sa mga bata sa mga rehiyong salat sa serbisyo.
Hinikayat ni Runefelt ang organisasyon na tumanggap ng crypto para makahikayat ng mas maraming global donors. Ayon naman kay Garreth Wood, co-founder at chairman ng KidsOR, ang donasyon ni Runefelt ay isang game changer para sa kanila.
“Hindi lang ito basta mapagbigay na regalo,” sabi ni Wood. “Ipinakita nito sa amin na ang mga bagong paraan ng pangangalap ng pondo ay kayang magtipon ng komunidad ng mga taong gustong gamitin ang inobasyon para tulungan ang mga bata sa buong mundo.”
Idinagdag ni Wood na tumatanggap na sila ngayon ng crypto donations sa pamamagitan ng kanilang JustGiving platform para mas mapadali ang pagsuporta ng mga tao sa kanilang layuning magbigay ng operasyon sa mga bata sa buong mundo.
Ang kinita sa crypto na nagpapabago ng buhay ay puwedeng gamitin para tulungan ang libu-libong tao
Ayon kay Runefelt, tinitingnan niya ang kayamanang nakuha niya mula sa crypto bilang responsibilidad para tumulong sa kapwa. Ang kanyang donasyon ay gagamitin para sa pagpopondo ng isang operating theater at recovery room sa Tanzania at ng isang ospital ng mga bata sa Zimbabwe.
“Sa tuwing kumikita tayo ng 'life-changing money', dapat nating tandaan na hindi lang ito magpapabago ng ating buhay, kundi pati na rin ng libu-libong bata sa iba't ibang panig ng mundo.”
Sinabi ni Runefelt na hinubog ang kanyang philanthropic mission ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki, na ipinanganak na may Down syndrome at sumailalim sa mahigit 60 operasyon.
“Kung hindi naoperahan ang nakababata kong kapatid, wala na siya rito ngayon,” aniya, at hinikayat ang mga gumagamit ng crypto na tulungan ang mga batang may katulad na pinagdadaanan ngunit walang access sa serbisyong medikal na kailangan nila.
“Sa buong mundo, ang mga bata ay nangangailangan ng labis na tulong. Gusto kong gawin ang aking parte, at umaasa akong magbigay inspirasyon sa iba na gawin din ito,” dagdag ni Runefelt.
KidsOR, tatanggap na rin ng crypto donations
Ayon sa KidsOR, nakapagtayo na ang organisasyon ng mahigit 100 pediatric operating rooms sa 35 bansa simula noong 2014, na nakapagbigay-daan sa mahigit 726,000 operasyon hanggang ngayon.
“Malaki ang epekto ng bawat operating room na itinayo namin,” sabi ni Wood sa Cointelegraph. “Kung mas marami kaming suporta, maaari kaming lumipat mula sa pagtulong sa daan-daang libong bata, patungo sa pagtulong sa milyon-milyon.”
Aminado si Wood na medyo mahirap ang pagtanggap ng crypto donations, ngunit ipinakita raw ng donasyon ni Runefelt na posible ito at sulit ang oportunidad.
Sinabi niya sa Cointelegraph na ang transparency ng crypto ay nagbibigay-daan sa mga donor na direktang makita ang epekto ng kanilang tulong. Ayon kay Wood, ang ganitong klaseng transparency ay nagpapatibay ng tiwala at pananagutan, at lumilikha ng matibay na koneksiyon sa pagitan ng mga nagdo-donate at ng mga buhay na binabago nila.
Idinagdag pa ni Wood na ang pangunahing prinsipyo ng crypto at Web3 ay umaayon sa global health equity, ang ideya na lahat ng tao ay dapat may access sa serbisyong pangkalusugan.
“Ang decentralization at borderless access ay may kakayahang magbukas ng mga mapagkukunan at oportunidad para sa mga bata sa lahat ng dako, at ang philanthropy ang tulay na magsasakatuparan ng vision na ito,” pahayag ni Wood.
Lumampas sa $1 bilyon ang crypto donations noong 2024
Ang crypto philanthropy ay hindi na bago. Noong 2024 pa lamang, lumampas na sa $1 bilyon ang crypto donations habang lumalago ang crypto space dahil sa lumilinaw na regulasyon sa buong mundo.
Iniulat ng crypto donations platform na The Giving Block noong Pebrero na tumaas ang bilang ng mga nonprofit na tumatanggap ng crypto sa 2024. Ayon sa platform, mahigit 70% ng mga nangungunang charity na naka-base sa US ay nagsimula nang tumanggap ng crypto.