Matagal nang ipinagmamalaki ng industriya ng blockchain ang transparency nito. Bawat transaksyon sa isang public blockchain ay permanenteng naitatala, at nakikita ng sinuman na may koneksyon sa internet.
Gayunpaman, sa bilyun-bilyong transaksyon at daan-daang milyong wallet address, ang napakalaking lawak ng transparency na ito ay maaaring maging nakakalito. Kung walang tamang mga tool, ito ay hindi nagiging crystal-clear ledger, kundi isa itong haystack na nagtatago ng napakaraming karayom. Dito papasok ang blockchain analytics.
Tinalakay sa pinakabagong episode ng The Clear Crypto Podcast kung paano lumikha ng parehong oportunidad at hamon ang lubos na pagiging open ng blockchain, at ngayon, ang artificial intelligence (AI) ang posibleng nawawalang piraso para maunawaan ang lahat.
Ang papel ng analytics ngayon
Ang data ng blockchain ay nakatulong sa pagsubaybay sa mga illegal na aktibidad, tulad na lamang kamakailan nang buwagin ng mga awtoridad ng South Korea ang isang international hacking syndicate. Nagbigay din ito ng mahalagang konteksto sa panahon ng mga malalaking pagbagsak sa industriya, gaya ng pagkalugmok ng FTX.
Gaya ng pagbabalik-tanaw ni Alex Svanevik, co-founder at CEO ng analytics platform na Nansen:
“Napakaraming tao ang gumagamit ng aming produkto upang makita kung ano ang nangyayari sa mga pondo na nasa mga wallet ng FTX, at makikita mo talaga nang real time na sa kabila ng pagdeklara ni SBF na hinarang na nila ang mga withdrawal, nakita mong patuloy na umaagos ang pera palabas ng exchange.”
Para sa mga trader at institusyon, ang mga analytics tool ay nagsisilbi sa ibang layunin.
Sa pamamagitan ng paglalagay ng label sa mga wallet address at pagmamapa ng pag-agos ng pondo, pinapayagan ng mga platform na ito ang mga gumagamit na makita kung saan gumagalaw ang kapital, kung ano ang ginagawa ng mga major players, at kung ang kahina-hinalang aktibidad ay maaaring nakakaimpluwensya sa presyo ng token.
Gayunpaman, ang tunay na hamon ay ang usability. "Sa tingin ko, dadaan tayo sa isang malaking pagbabago sa kung ano ang magiging hitsura ng mga produkto," aniya.
“Nakasanayan ng mga tao ang gumamit ng mga dashboard, at kailangang maglaan ng maraming oras sa onboarding at pagdaan sa training. Sa tingin ko, ang malapit na kinabukasan ng mga software products ay magiging ganito: kausapin mo na lang ang mga produkto.”
Binabago ng AI ang equation
Kahit pa may mga sopistikadong dashboard, nanatiling mahirap pag-aralan ang pag-intindi sa blockchain data. Kaya naman, ang integrasyon ng artificial intelligence (AI) ay kumakatawan sa isang significant leap.
Idiniin ni Svanevik ang kanilang bagong AI-powered product ng Nansen na nagbibigay-daan sa mga gumagamit na magtanong tungkol sa blockchain activity gamit ang simpleng pananalita.
“Ang kinabukasan... ay makikipag-usap ka na lang sa mga AI agents na gagawa ng research para sa iyo, at sa halip na gumugol ka ng isang buong araw sa pagbuo ng lahat ng impormasyon, sa loob lang ng 20 segundo ay mayroon ka nang pagsusuri.”
Ito ay higit pa sa isang trendy o cosmetic shift. Sa pamamagitan ng pagpapababa ng barrier to entry, ang AI-driven analytics ay nagdudulot ng demokratisasyon sa blockchain intelligence.
Ang mga retail investor, compliance officers, at maging ang mga casual observer ay makaka-access sa mga impormasyong dati ay para lang sa mga espesyalistang analyst.
Matagal nang ipinangako ng blockchain ang pagiging mas transparent ng pananalapi, ngunit ang pangakong iyon ay kasing-lakas lamang ng kakayahang unawain ang impormasyong nabubuo nito. Gaya ng sinabi ni Svanevik:
“Sa esensya, itinataya namin ang buong kumpanya sa ideya na gugustuhin ng mga tao na makipag-usap [sa data].”
Upang mapakinggan ang buong usapan sa The Clear Crypto Podcast, pakinggan ang buong episode sa Podcasts page ng Cointelegraph, sa Apple Podcasts o sa Spotify. At huwag ding kalimutang tingnan ang buong lineup ng iba pang shows ng Cointelegraph!