Cointelegraph
Stephen Katte
Isinulat ni Stephen Katte,Manunulat ng Kawani
Felix Ng
Sinuri ni Felix Ng,Editor ng Kawani

Bitwise: Ang pinakamahusay na mga crypto treasury ay ‘gumagawa ng isang mahirap na hamon’

Iginiit ni Matt Hougan ng Bitwise na mas mainam para sa mga investor ang bumili ng mga ETF kaysa sa mga share ng isang kompanya na naglalagay lamang ng crypto asset sa kanilang balance sheet.

Bitwise: Ang pinakamahusay na mga crypto treasury ay ‘gumagawa ng isang mahirap na hamon’
Balita

Sinabi ni Matt Hougan, ang Chief Investment Officer ng Bitwise, na kailangang simulan ng mga digital asset treasury (DAT) ang pagtahak sa mahirap na landas kung gusto nilang mamukod-tangi. Kung hindi, mas mainam pa para sa mga investor na mag-invest na lamang sa mga crypto exchange-traded funds (ETF).

Ayon kay Hougan sa kaniyang post sa X noong Nobyembre 5, isa sa pinakamagandang paraan para malaman kung ang isang DAT ay karapat-dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagtatanong ng: “May ginagawa ba silang mahirap?”

“Ang pagbili ng isang crypto asset at paglalagay nito sa isang balance sheet ngayon ay hindi na mahirap. Dati ay mahirap ito, pero ngayon ay hindi na. Kung iyon lang ang ginagawa ng isang DAT, mas mabuting mag-ari ka na lang ng isang ETF. Totoo ito kahit pa nag-i-stake ang DAT, dahil ang mga ETF ay nag-i-stake na rin ngayon,” paliwanag niya.

Ang Bitwise ay naglunsad na ng iba’t ibang mga ETF na may kaugnayan sa crypto, kabilang ang isang Solana (SOL) ETF na nag-aalok din ng staking.

Source: Matt Hougan

Mga pangunahing salik na dapat bantayan sa isang DAT

May ilang paraan para mamukod-tangi ang mga DAT, ayon kay Hougan. Halimbawa nito ay ang pakikilahok sa DeFi ecosystem sa pamamagitan ng mga aksyong gaya ng smart loans, at iba pang mga stratehiyang nagbibigay-kita tulad ng paggawa ng mga covered call laban sa crypto.

“Hindi lahat ng ito ay masasabing magandang ideya, at hindi lahat ay magagawa ito nang maayos. Ngunit hindi rin ito biro, at kung magagawa nang tama, may tsansa silang makakuha ng gantimpala,” ani Hougan.

“Sa kabilang banda, ang mga DAT na gumagamit ng lazy approach sa pagbili ng crypto asset at itinatabi ito ay mate-trade sa halagang mas mababa kaysa sa tunay na halaga ng asset na iyon.”

Strategy, isang crypto treasury na dapat bantayan

Ipinapaliwanag ni Hougan na ang kompanya ni Michael Saylor na nag-iipon ng Bitcoin, ang Strategy, ay “gumagawa ng isang mahirap na hamon.” Ang Strategy ang nagsisilbing flagship na DAT at sa ngayon ay siya ring pinakamalaking holder na may hawak na 641,205 Bitcoin (BTC), na may halagang mahigit $66 bilyon.

Source: Matt Hougan

“Ang MicroStrategy ay may hawak na $64 bilyon na halaga ng Bitcoin laban sa $8 bilyon na utang, at naglalabas pa sila ng utang gamit ang posisyong iyon. Mahirap magkaroon ng $56 bilyon na Bitcoin equity. Subukan mong lumikom ng $56 bilyon na equity capital para bumili ng Bitcoin sa loob ng isang corporate structure nang walang utang. Hindi iyon madali,” ani Hougan.

“At kung mayroon kang $56 bilyon na Bitcoin equity, magagawa mo ang mga bagay tulad ng pagbebenta ng convertible debt at preferred shares na nagpapahintulot sa iyong bumili pa ng mas maraming Bitcoin. Sa ilang kondisyon ng market, magbibigay-daan ito para makakalakal ang iyong stock sa mas mataas na halaga.”

Ang pagtaas ng DAT stock ay madalas na panandalian lamang

Biglang dumami ang bilang ng mga crypto treasury ngayong taon. Ayon sa ulat noong Oktubre mula sa Bitwise, naitala ang 48 bagong kaso ng mga kompanyang nagdagdag ng Bitcoin sa kanilang mga balance sheet noong ikatlong quarter. Sa kabuoan, mayroon nang 207 na Bitcoin treasury companies, at sama-sama silang humahawak ng mahigit isang milyong token na may halagang lagpas sa $101 bilyon.

Gayunpaman, lumilitaw ang mga katanungan kung ang mga kumpanya ay lumilipat lamang sa crypto bilang isang PR stunt upang isalba ang kanilang bagsak na mga balance sheet at palakasin ang presyo ng kanilang stock. Ayon sa ulat na inilabas ng CoinGecko noong Nobyembre 4, nakitang nakikinabang nga ang mga DAT sa biglaang pagtaas ng stock sa loob ng unang 10 araw, ngunit ang mga pump na ito ay madalas na panandalian lamang, at ang karamihan sa mga DAT stock ay “bumabagsak sa mga sumunod na araw matapos ang kanilang paglipat.”

“Sa huli, ang mga DAT ay mga kompanya lamang. Ang mga mahuhusay na kompanya ay nakakakuha ng gantimpala sa paggawa ng mga mahihirap na bagay nang maayos sa paglipas ng panahon. Ang mga masasamang kompanya naman na palpak ang pagpapatakbo o sinusubukang dumaan sa madaling paraan para yumaman ay napaparusahan. Magiging totoo rin ito sa mundo ng mga DAT,” pagtatapos ni Hougan.

Ang Cointelegraph ay nakatuon sa independiyente at transparent na pamamahayag. Ang artikulong balita na ito ay ginawa alinsunod sa Patakarang Editoryal ng Cointelegraph at naglalayong magbigay ng tumpak at napapanahong impormasyon. Hinihikayat ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon nang mag-isa. Basahin ang aming Patakarang Editoryal https://ph.cointelegraph.com/editorial-policy