Ayon sa data platform na Santiment, mabilis na namimili ng Bitcoin ang mga retail investor habang nagbebenta naman ang mga whale. Kung ang kasaysayan ang pagbabasehan, ang ganitong pattern ay maaaring maging hudyat ng problema sa presyo ng nasabing asset.
Gayunpaman, hati ang opinyon ng iba pang mga crypto analyst kung ano ang magiging takbo ng Bitcoin (BTC) sa mga susunod na linggo.
“Sa kasaysayan, ang presyo ay madalas na sumusunod sa direksyon ng mga whale, hindi ng mga retail,” saad ng Santiment sa kanilang markets report noong Nobyembre 1.
Binigyang-diin ng Santiment na simula noong Oktubre 12, ang mga Bitcoin whale — o ang mga wallet na may hawak na sa pagitan ng 10 at 10,000 BTC — ay nagbenta na ng tinatayang 32,500 Bitcoin. Gayunpaman, idinagdag ng Santiment na ang “mga maliliit na retail wallet ay agresibong bumibili sa tuwing may pagbaba sa presyo.”
Ang pagkakabahagi ng Bitcoin sa mga grupo, isang “babala,” ayon sa Santiment
Sa loob ng panahong iyon, ang Bitcoin ay bumagsak mula $115,000 patungong $98,000 noong Nobyembre 4, na katumbas ng humigit-kumulang 15% na pagbaba, ayon sa CoinMarketCap. Ang presyo ng BTC ay bahagya nang nakabawi at nasa $103,780 na sa oras ng pagkakasulat nito.
Inilarawan ito ng Santiment bilang isang paghihiwalay ng galaw na lumitaw sa pagitan ng mga malalaki at maliliit na investor. Saad ng Santiment:
“Ang isang divergence kung saan nagbebenta ang mga whale habang bumibili naman ang retail ay maaaring maging isang babala.”
Hati ang pananaw ng iba pang mga analyst sa kung ano ang mangyayari sa Bitcoin sa mga susunod na linggo.
Sinabi ng mga analyst mula sa Bitfinex sa Cointelegraph na inaasahan nila ang panandaliang consolidation at kaunting volatility, sa halip na isang “malinaw na mabilis na pag-akyat patungo sa mga bagong high.”
“Naniniwala kami na ang pagpasok ng mga ETF noong unang bahagi ng Oktubre ang nagtulak sa presyo patungong $125,000, bago ito muling ibinaba sa bandang $100,000 dahil sa mga macro shock sa kalagitnaan ng buwan, ang malaking options expiry, at ang pagkuha ng kita,” ani ng mga analyst.
Noong Nobyembre 7, naputol na ang anim na araw na sunud-sunod na paglabas ng pera mula sa mga spot Bitcoin ETF, na nakapagtala ng kabuoang $2.04 bilyon na outflows, ayon sa data ng Farside.
Bitcoin, may tsansang umakyat sa $130,000 kung bubuti ang mga kondisyon: Mga analyst
Ipinaliwanag nila na kung ang pagpasok ng pera sa mga spot Bitcoin ETF ay babalik sa higit sa $1 bilyon kada linggo at kung bubuti ang kalagayan ng macroeconomy, maaaring may pagkakataon ang Bitcoin na umakyat patungong $130,000.
Samantala, sinabi ni Jake Kennis, isang senior research analyst sa Nansen, sa Cointelegraph na bagaman sa kasaysayan ay nagpapakita ang Bitcoin ng pag-angat taon-taon, “dahil sa naganap na liquidation at pagkasira ng market structure, mas malabo na itong mangyari sa malapit na hinaharap.”
“Gayunpaman, may puwang pa rin para sa makabuluhang pag-angat bago matapos ang taon,” ani Kennis. Ipinaliwanag niya na posible pa rin ang mga bagong all-time high para sa Bitcoin ngayong taon kung ang momentum ay mabago nang tuluyan.
