Cointelegraph
Stephen Katte
Isinulat ni Stephen Katte,Manunulat ng Kawani
Felix Ng
Sinuri ni Felix Ng,Editor ng Kawani

Propesor, iginiit na pinapabilis ng mga crypto treasury company ang pagbagsak ng market

Iginiit ni Omid Malekan, isang adjunct professor sa Columbia Business School, na may iilang kompanya na bumibili ng crypto ang sumubok na “bumuo ng pangmatagalang halaga. Ngunit mabibilang ko lamang sila sa aking mga daliri.”

Propesor, iginiit na pinapabilis ng mga crypto treasury company ang pagbagsak ng market
Balita

Ang mga diskusyon tungkol sa pagbagsak ng presyo ng Bitcoin ay dapat magsama sa epekto ng mga crypto treasury company, na nakadagdag sa pagdausdos ng market, ayon kay Omid Malekan, isang blockchain author at adjunct professor sa Columbia Business School.

“Anumang pagsusuri kung bakit patuloy na bumabagsak ang presyo ng crypto ay kailangang magsama sa mga DAT [digital asset treasuries],” ani Malekan sa isang post sa X noong Nobyembre 4. “Sa kabuoan, lumalabas na naging isa itong mass extraction at exit event — isang dahilan para bumaba ang mga presyo.”

Dagdag pa niya, may iilang kompanya lamang na sumubok na “bumuo ng pangmatagalang halaga. Ngunit mabibilang ko lamang sila sa aking mga daliri.”

Isinisisi naman ng ilang analyst ang tensyon sa kalakalan sa pagitan ng US at China, kasama ang iba pang mga macroeconomic factor, sa pagbaba ng crypto market. Sa nakalipas na pitong araw, ang Bitcoin (BTC) ay naglaro sa pagitan ng $99,607.01 at $113,560, na mas mababa sa naitala nitong all-time high na mahigit $126,000 noong Oktubre 6, ayon sa CoinGecko.

Source: Omid Malekan

Mga kompanyang may maling intensyon, nagdudulot ng problema

Maraming mga kompanyang bumibili ng crypto ang nagawang makalikom ng milyun-milyong dolyar mula sa mga investor na gustong pumasok sa crypto market. Ngunit giit ni Malekan, ang ilang mga taong nagtatag ng mga crypto treasury company ay itinuring ang modelong ito bilang isang “get rich quick scheme”.

“Ang paglulunsad ng anumang uri ng public entity ay mahal,” dagdag niya. “Ang perang kailangan para sa mga shell, PIPE, o SPAC ay umaabot sa milyun-milyon. Ganoon din ang mga bayarin para sa mga banker at lawyer na kasangkot.”

“Ang perang ginastos sa mga bayaring iyon ay kailangang manggaling sa kung saan,” ani Malekan.

Ang mga crypto treasury company ay agresibong bumibili ng bulto-bultong supply ng mga pangunahing cryptocurrency. Ginagamitan nila ito ng leverage sa pamamagitan ng pagbebenta ng shares, convertible notes, at pag-utang. Nagdulot ito ng pangamba na ang mga kompanyang gumagamit ng utang ay maaaring magpalala sa pagbagsak ng market dahil sa sapilitang pagbebenta ng kanilang mga asset.

Ang ibang kompanya naman ay sumubok na akitin ang mga investor sa pamamagitan ng paggawa ng yield sa kanilang mga hawak na crypto gamit ang staking. Ang ilan naman ay naglabas ng plano na ilagay ang bahagi ng kanilang holdings sa mga crypto protocol para sa pagpapautang at pagbibigay ng liquidity.

“Ang pinakamalaking pinsalang idinulot ng mga DAT sa kabuoang market cap ng crypto ay ang pagbibigay ng pagkakataon para sa isang mass exit event para sa mga token na dapat sana ay nakasirado,” pahayag ni Malekan. “Namamangha pa rin ako na maraming investor ang hindi nagreklamo o pumuna rito.”

Dagdag pa niya, “Ang paglikom ng sobrang dambuhalang pondo at paggawa ng napakaraming token — kahit pa ang mga ito ay locked o para sa paglago ng ecosystem — ay ang gangrene ng mundo ng crypto.”

Trend ng crypto treasury, tumaas ngayong 2025

Biglang dumami ang bilang ng mga crypto treasury ngayong taon. Ayon sa ulat noong Oktubre mula sa asset manager na Bitwise, naitala ang 48 bagong kompanya na nagdagdag ng Bitcoin sa kanilang mga balance sheet. Umabot na ito sa kabuoang 207 kompanya sa pangkalahatan. Sa kabuoan, ang mga kompanyang ito ay humahawak ng mahigit isang milyong token, na may kabuoang halaga na lampas sa $101 bilyon.

Kasabay nito, ang Ether (ETH), ang ikalawa sa pinaka-ginagamit na cryptocurrency para sa mga treasury, ay naidagdag na sa mga balance sheet ng 70 kompanya, ayon sa data mula sa Strategic ETH Reserve. Sa kabuoan, humahawak ang mga ito ng 6.14 milyong Ether, na may halagang mahigit $20 bilyon.

Ayon sa mga analyst na nakausap ng Cointelegraph, malaki ang posibilidad na ang mga DAT ay magsimulang magsanib-pwersa o mag-consolidate sa ilalim ng iilang malalaking kompanya habang tumatagal ang market cycle at habang sinusubukan ng mga kompanyang ito na mang-akit ng mga investor. Samantala, ang iba naman ay naghihinala na ang trend na ito ay magtutulak sa mga kompanya na lumawak pa sa iba pang aspeto ng Web3.

Ang Cointelegraph ay nakatuon sa independiyente at transparent na pamamahayag. Ang artikulong balita na ito ay ginawa alinsunod sa Patakarang Editoryal ng Cointelegraph at naglalayong magbigay ng tumpak at napapanahong impormasyon. Hinihikayat ang mga mambabasa na i-verify ang impormasyon nang mag-isa. Basahin ang aming Patakarang Editoryal https://ph.cointelegraph.com/editorial-policy