Naglunsad ang payments company na American Express ng mga stamps na nakabatay sa blockchain para sa kanilang mga customer. Layunin nitong magsilbing digital na alaala ng kanilang mga biyahe.

Bawat travel stamp ay naka-imbak bilang isang ERC-721 non-fungible token (NFT) sa Ethereum layer-2 Base, para mapanatili ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay at mga paboritong alaala sa ibang bansa, ayon sa website ng kompanya.

“Bahagi ng mahika ng paglalakbay ay ang pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang bakasyon, at ang mga commemorative keepsake ay isang makapangyarihang paraan para gunitain ng mga traveler ang kanilang mga paboritong biyahe,” pahayag ni Amex Digital Labs Executive Vice President Luke Gebb noong Setyembre 15.

“Sa patuloy na pagkawala ng pisikal na passport stamps, nagbibigay ang Amex Passport ng pagkakataon para sa mga Card Member na ipagdiwang ang kanilang mga paglalakbay.”

Ayon sa Amex, ang bawat stamp ay maaaring i-customize para i-highlight ang pinakamahusay na karanasan sa bawat biyahe, tulad ng isang espesyal na atraksiyon, pagkain, pag-i-stay sa hotel, o paboritong aktibidad.

Tanging ang mga may hawak lamang ng US Amex consumer card na nakaugnay sa kanilang online account ang eligible para sa Amex Passport, at hindi maaaring i-transfer ang mga NFT.

Halimbawa ng mga Amex passport stamp. Source: American Express

Tanging ang bansa o rehiyon ng stamp, deskripsyon nito, at ang petsa kung kailan ito nakuha ang makikita sa bawat stamp, ayon sa Amex. Idinagdag pa ng kompanya na ang personal na impormasyon at mga detalye ng biyahe ay hindi makikita sa Base.

Ayon sa datos na galing sa BaseScan, ang block explorer ng Base, lumalabas na ang smart contract para sa Amex travel stamp ay nilikha 39 araw na ang nakakaraan.

Ang pagpapaunlad na ito ang pinakabagong halimbawa ng isang public blockchain na tumutulong sa mga korporasyon at sa kanilang mga user na ligtas na mag-umbak ng datos nang walang sentralisadong server.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng US Department of Commerce na sisimulan nilang ilabas ang mga economic statistics, kasama ang datos ng gross domestic product, gamit ang blockchain.

Ang mga NFT travel stamp ay sumasabay sa demand para sa mga digital keepsake

Malakas din ang demand para sa mga bagong travel stamp solution, ayon sa isang kamakailang survey ng Amex, kung saan natuklasan na 73% ng mga respondent ang nagnanais ng mas maraming paraan upang gunitain nang digital ang mga nakaraang biyahe.

Samantalang, 56% naman ang nagsabing na-mi-miss nila ang pagtanggap ng passport stamps tuwing dumarating sila sa isang bagong bansa.

Halimbawa ng mga hotel stamp para sa mga pasahero ng Amex na naglalakbay sa ibang bansa. Source: American Express

Ang mga travel stamp ng Amex ay maaaring i-share sa social media o i-save sa camera roll. Bukod pa rito, ang mga biyaheng na-book sa Amex hanggang dalawang taon na ang nakalipas ay awtomatikong idadagdag para sa mga customer.

Crypto, dahan-dahang isinasama sa industriya ng turismo

Ang industriya ng crypto travel ay nananatiling niche, ngunit bumibilis ang pag-usad nito nitong mga nakaraang buwan.

Noong Pebrero, ang Travala, isang crypto-native travel platform, ay nag-integrate ng mga opsyon sa pagbabayad gamit ang crypto para sa 2.2 milyong hotel sa Trivago, isang hotel metasearch engine na nagpapahintulot sa mga user na magkumpara ng presyo ng akomodasyon mula sa iba't ibang mga booking site.

Ipinakita ng datos mula sa Travala noong Mayo na ang mga crypto user ay karaniwang gumagastos nang tatlong beses na mas malaki para sa average hotel stay. Karaniwan din silang mas matagal na nananatili sa isang lugar upang umayon sa kanilang flexible at remote working lifestyle.

Samantala, ipinapakita ng datos mula sa Triple-A na 14% ng mga crypto transaction noong 2024 ay ginastos sa travel at hospitality. Kasabay nito, dumami rin ang mga airline na nagsimulang tumanggap ng crypto para sa mga booking.