Ayon kay analyst at investor na si Jordi Visser, magiging mas magandang puhunan ang Bitcoin (BTC) kaysa sa stocks sa mga darating na dekada. Aniya, ito ay dahil sa artificial intelligence na magpapabilis nang husto sa siklo ng inobasyon, na magiging dahilan upang maging hindi epektibong pamumuhunan ang mga pampublikong kompanya.
“Kung ang siklo ng inobasyon ay bumilis na at nagiging usapin na lamang ng ilang linggo, para tayong nasa isang video game kung saan ang isang kompanya ay hindi kailanman nakaaabot sa escape velocity. Sa mundong iyon, paano ka mamumuhunan? Hindi ka mamumuhunan, ikaw ay makikipag-trade,” sinabi ni Visser kay Anthony Pompliano noong Sabado. Idinagdag pa niya na:
“Ang Bitcoin ay isang paniniwala. Mas tumatagal ang mga paniniwala kaysa sa mga ideya. Wala ni isa mang kompanya sa S&P 500 na nagmula pa noong 100 BC; ang ginto ay narito na simula noon. Ang Bitcoin ay mananatili nang napakatagal. Ito ay isa nang paniniwala sa puntong ito, at maaaring labanan ito ng mga tao, ngunit mananatili ito.
Sa tingin ko, mas mainam nang magsimulang mag-short ng mga ideya at manatiling long sa mga paniniwala,” pagpapatuloy ni Visser, at idinagdag niyang maaaring paikliin ng AI ang isang bagay na karaniwang aabutin ng 100 na taon upang matapos at maisakatuparan sa loob lamang ng limang taon.
Binibigyang-liwanag ng prediksyon ang posibleng hinaharap ng pananalapi at estruktura ng kapital, habang ang artificial intelligence at teknolohiyang blockchain ay nagdudulot ng pagbabago sa tradisyonal na sistemang pinansyal, at nagtutulak ng mas maraming halaga at kalahok patungo sa digital na ekonomiya.
Hula ni Eric Trump na aabot ng $1M ang BTC habang tinatanggap na ng mga pampublikong kompanya ang crypto
Sa kasalukuyan, patuloy ang mga kompanya sa pagbili ng crypto at Bitcoin para gawing bahagi ng kanilang treasury reserves. Madalas, binabago nila ang kanilang imahe para maging 'pure crypto treasury plays' at tuluyang iniiwan ang kanilang mga tradisyonal na modelo ng negosyo.
Ang mga lumang financial vehicle na ito ay nagbibigay sa mga equity investor ng di-tuwirang exposure sa BTC at crypto, habang inililipat ang pondo mula sa tradisyonal na mga capital market patungo sa digital finance.
Ipinahayag ni Eric Trump na inaasahan niyang aabot ng $1 million kada coin ang Bitcoin, at sinabi niya sa mga dumalo sa Bitcoin Asia 2025 conference sa Hong Kong na bumibili ng BTC ang mga bansa, mayayamang pamilya, at mga pampublikong kompanya.
Ang market cap ng Bitcoin ay mahigit $2.29 trilyon sa oras ng pagsulat na ito, at may ilang analyst ang umaasa na maaari nitong higitan ang market cap ng ginto sa mga darating na dekada.
Pinanindigan ng ilang ehekutibo sa industriya ng crypto na ang kakayahan ng digital asset na tumawid sa mga hangganan at kumita sa pamamagitan ng paggamit nito sa decentralized finance (DeFi) applications ay nagbibigay dito ng bentahe laban sa ginto bilang isang store of value.